494 total views
Mga Kapanalig, sa taóng ito, mayroong labindalawang bagong santo at santang itinatalaga ang ating Simbahan. Sampu sa kanila ay itinanghal noong Mayo at dalawa naman nitong Oktubre lamang. Sila ay mga babae at lalakeng relihiyoso, mga pari, at isang layko. Karamihan sa kanila ay nagtatag ng mga kongregasyon, naging martir o pinatay dahil sa kanilang pananampalataya, at tumulong sa mahihirap noong nabubuhay pa sila. Sa araw na ito, ginugunita natin sila at ang lahat ng mga banal.
Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng pag-alalang ito para sa ating mga mananapalataya sa kasalukyan?
Sa gitna ng giyera at kaguluhan sa Ukraine, Ethiopia, Yemen, Afghanistan, Myanmar, at iba pang bahagi ng mundo, maraming pamilya, bata, matatanda, babae, at mga may kapansanan ang nagigipit at napagkakaitan ng buhay ng may dignidad. Patuloy ang banta sa buhay ng mga mamamayan sa mga bansang ito na nauuwi sa kanilang pagiging refugees.
Hindi pa rin natutuldukan ang pandemyang dulot ng COVID-19. Iba’t ibang hamong pangkalusugan din ang hinaharap natin at ng buong mundo katulad ng monkeypox, malnutrisyon, at mental health issues. Pinaiigting ng mga suliraning pangkalikasan ang mga sakit na ito. Lalong umiinit ang mundo, tumitindi ang climate change, tumataas ang tubig sa mabababang lugar, lumalakas ang mga bagyo, at humahaba ang mga tagtuyot. Sa katunayan, nangunguna ang Pilipinas sa World Risk Index. Ibig sabihin pinakadelikado tayo pagdating sa mga bantang dala ng bagyo, tagtuyot, lindol, tsunami, at iba pa. Kung hindi matutugunan ang krisis sa klima, tinatayang 13.6% ng gross domestic product o kabuuang kita ng bansa ang mawawala pagdating ng 2040.
Higit na madarama ng mahihirap ang epekto nito. Bugbog na nga sila sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, at kawalan ng maayos at pangmatagalang trabaho. Hindi nakatutulong na maibsan ang mga ito ng pagpapalaganap ng mga maling impormasyon o fake news, kabi-kabilang patayan, at katiwalian sa pamahalaan.
Sa madilim at nakalulungkot na kontekstong ating ginagalawan, ipinaaala sa atin ng mga turo ng Simbahan ang mahalagang papel ng bawat isa sa atin sa pagtataguyod ng Mabuting Balita. Bilang Simbahan, hinihikayat tayo–layko, relihiyoso, pari–na, katulad ng ating mga santo at santa, makibahagi sa kaligayahan at pag-asa, at kalungkutan at takot, ng bawat nilalang sa mundo. Tinatawag tayong ibahagi sa kanila ang pag-asang dala ng pagkakatawang-tao ni Hesus. Ipinakita sa atin ni Hesus na maaaring maranasan at maitatag ang kaharian ng Diyos dito sa lupa kung pipiliin nating maging makatarungan at makatao.
Ang pagsasabuhay sa Mabuting Balita at mga panlipunang turo ng Simbahan ay mahalagang bahagi ng ating tungkulin bilang mga tagasunod ni Hesus. Kaakibat nito ang pag-alam, pagsasalita, at pakikilahok sa mga isyung may kaugnayan sa katarungan, kalayaan, kapayapaan, kalikasan, kaunlaran, at kabuuang dignidad ng tao. Samakatuwid, ang pakikibahagi sa mga suliranin ng mundo at ng ating bansa ay tanda ng pagiging banal sa panahon natin ngayon.
Bilang mga indibidwal, hindi madaling makita ang resulta ng ating pakikibahagi sa buhay ng ating lipunan. Limitado ang epekto ng mga pahayag upang matigil ang karahasan at mga digmaan. Kulang ang pagdalo sa mga webinar, talakayan, o mobilisasyon upang mas sistematikong matugunan ang mga isyung pangkalikasan o mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan. Gayunpaman, kung sama-sama at lahat tayo ay susubukang maging banal sa pamamagitan ng pakikilahok sa abot ng ating makakaya, mayroong pag-asa.
Mga Kapanlig, ayon nga sa Juan 15:13, “Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.” Ipinakita ito ni Hesus at lahat ng mga santo at santa. Sundan natin ang kanilang yapak.