185 total views
Nanawagan ang Parish Priest ng Holy Angels Parish sa Bulihan, Plaridel, Bulacan sa tuluyang pagpapahinto ng operasyon ng Inter-Pacific Highway Transport Corporation na banta sa kaligtasan ng mga residente ng Bulihan, Plaridel, Bulacan.
Ayon kay Father Rico Trinidad, bukod sa mapanganib sa kaligtasan ng mga residente ang mga mahahabang truck ng container vans ay labis din na nagiging maputik at maalikabok ang kanilang lugar kahit walang operasyon sa container yard ng IHTC.
“Kami po ay hindi tutol sa kaunlaran, nais lamang namin ay yung kaligtasan ng mga tao kasi nalalagay sa alanganin ang public safety ng mga tao dahil sa maraming mahahabang truck na may dalang container vans.” pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Pinasasalamatan naman ni Father Trinidad ang Department of Environment and Natural Resources o DENR matapos ipatupad ang cease and desist order sa IHTC.
Nasasaad sa kautusan ng DENR na hindi na maaaring gamitin ng IHTC ang mga container yards 1,2 at 3.
Binigyan ng DENR ng hanggang ika-30 ng Nobyembre ang IHTC upang bakantehin ang mga nasabing container yard na 8-taon ng ginagamit ng kumpanya.
Sa panayam ng Radio Veritas, iginiit ni Virgilio Licuan, chief legal unit ng DENR-Environmental Management Bureau Region 3 na kailangang i-vacate ng IHTC ang mga container yard sa itinakdang araw ng kautusan.
“Kailangan i-vacate nila yung container yards 1,2,3. Yung aming inspection, nakita namin na yung 1 ay vacated na wala nang container na nakalagay doon at the same time yung 2, yung number 3 naman ay may naiwan pa so binigyan sila ng until 30 ng November para ma vacate lahat maalis lahat yung mga container,” pahayag ni Licuan sa Radio Veritas.
Binigyan diin ni Father Trinidad na kanilang babantayan ang IHTC at titiyaking susunod sa napagkasunduang palugit na ibinigay ng DENR hanggang sa ika-30 ng Nobyembre 2017.(Yana Villajos)