221 total views
Nanawagan ng pakikiisa at pakikipagtulungan ang Philippine National Police para sa mayapa at maayos na paggunita ng Undas sa buong bansa.
Paalala ni PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Dionardo Carlos, marapat lamang sundin ng bawat mamamayan ang lahat ng mga panuntunan partikular na sa mga sementeryo upang maging maayos at makabuluhan ang paggunita ng Undas ng bawat isa.
“pupunta tayo sa sementeryo, sundin po natin ‘yung panuntunan sa mga sementeryo at iwasan po ang pag-inom ng alak, mga matatalim na bagay at ‘yung mga gambling paraphernalia, iwasan na po natin para mas maganda po ‘yung ating commemoration of the Undas…” pahayag ni Carlos.
Dagdag pa ni Carlos, ang Undas ay pag-alala sa mga yumaong indibidwal kaya’t nararapat lamang itong mapayapang ginugunita kasama ang buong pamilya.
“Yes. We keep it solemn, quiet and peaceful ‘yung atin pong pag-alala sa ating mga — ‘yung mga pumanaw na na ating mga kababayan at let us take time to be able to be with our relatives…” dagdag pa ni Carlos.
Tinatayang nasa higit 7-libong mga pulis ang itinalaga ng PNP-NCRPO sa buong Metro Manila upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng publiko partikular na sa mga magtutungo sa 99 na mga sementeryo sa buong Metro Manila, kung saan nasa 3-libong mga tauhan rin ang itinalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Samantala, muli ring nanawagan ang Simbahang Katolika na taimtim na panalangin at hindi basura ang kailangan ng mga yumaong indibidwal ngayon panahon ng paggunita sa kanilang mga kaluluwa kaya’t nararapat na panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa mga sementeryong nagsisilbing huling himlayan ng ating mga yumaong mahal sa buhay.