181 total views
Naging mas makahulugan ang mahal na araw ng mga mananampalataya sa Batangas matapos makaranas ng sunod-sunod na pagyanig ng lupa.
Naniniwala si Father Dakila Ramos – Head ng Lipa Archdiocesan Ministry on Environment na may dahilan ang nangyayaring paglindol sa lalawigan ng Batangas.
Ayon sa Pari, ito ang paraan ng kalikasan upang iparamdam sa tao na kailangan nito ng pagkalinga upang mapigilan ang tuluyan nitong pagkasira.
“Kasi hindi naman ito basta lang lumilindol may mensahe si Lord sa atin saka yung paglindol na ito’y para din makita natin na ang kapaligiran ay ating ingatan, mahalin natin ito, yung ecology, yung environment, ito’y dapat nating alagaan at dapat di natin sinisira. Siguro yung mga pagyanig na ito ay pagkatok sa ating mga puso para sabihin ng environment sa atin, “Hello tingnan ninyo kami at alagaan nyo kami, mahalin ninyo kami,” pahayag ni Fr. Ramos sa Radyo Veritas.
Naniniwala rin si Fr. Ramos na ang muling pagkabuhay ng Panginoon ay magdudulot din ng bagong pag-asa sa mga naapektuhan ng lindol.
Samantala, nanawagan si Fr. Ramos sa mga maaaring tumulong na magkaloob sa kanila ng tubig, tent at mga kumot na maaaring magamit habang nananatili sa labas ng mga gusali ang mga tao dahil sa takot sa halos 1,000 aftershocks.
Kamakailan nagsagawa ng Alay Kapwa telethon ang Caritas Manila Damayan, upang madagdagan ang pondo na inilalaan sa pagtulong sa mga biktima ng sakuna.
See: http://www.veritas846.ph/mananampalataya-hinimok-na-makiisa-sa-alay-kapwa/
Tinatayang mahigit 2.9 na milyong piso ang nakalap na pondo ng Caritas Manila sa pamamagitan ng Radyo Veritas.
Kamakailan, hinimok ni Caritas Manila Damayan priest-in-charge Father Ricardo Valencia ang mamamayan na magdasal at patatagin ang pananalig sa Diyos sa gitna ng pagsubog ng kalikasan.
Read: http://www.veritas846.ph/publiko-hinimok-na-magdasal/