2,867 total views
Suporta kay Bishop Alminaza tiniyak ng Caritas Philippines
Tiniyak ng Caritas Philippines ang suporta at pakikiisa sa adbokasiya at paninindigan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mga usaping panlipunan sa bansa.
Ayon kay Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaisa ng Obispo ang buong social action and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagsusulong ng ganap na kapayapaan sa bansa.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na makakaasa si Bishop Alminaza sa pakikiisa ng Caritas Philippines sa pagsusulong ng kapayapaan na sumasalamin sa misyon ni Hesus na pangingibabaw ng pag-ibig at katarungan para sa lahat kung saan walang anumang karahasan o kawalan ng katarungan.
“We stand with Bishop Alminaza in his conviction that pursuing peace should not be one-sided, militarized, or highly politicized. It should be a peace that echoes Jesus’ command to love and encompasses justice for the victims of violence and injustice,” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, sadyang nakababahala ang patuloy na red-tagging sa bansa lalo na sa pamamagitan ng isang himpilan ng telebisyon laban sa mga nagsusulong ng kapayapaan at katarungan tulad ng mga lingkod ng Simbahan, mga lider ng iba’t ibang batayang sektor, mga kritiko ng pamahalaan gayundin ang mga human rights at peace advocates sa bansa.
Giit ni Bishop Bagaforo, bilang pangunahing tagapagsulong ng mga programa ng Simbahang Katolika para sa mga nangangailangan ay mananatili ang paninindigan ng Caritas Philippines sa mga adbokasiyang isinusulong ni Bishop Alminaza.
“Caritas Philippines shares Bishop Alminaza’s concern over the recent red-tagging and malicious accusations made by the SMNI’s television program ‘Laban Kasama ang Bayan’ against the work of church people, bishops, and pastors, dedicated activists, and ordinary persons who advocate for peace and justice in the country. As an organization that has been at the forefront of poverty alleviation, sustainable agriculture, and empowerment of women and children, we fully support Bishop Alminaza and his efforts to fight for a just and lasting peace for all.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Nanawagan naman si Bishop Bagaforo sa mamamayan at sa iba’t ibang organisasyon sa bansa na makibahagi sa pagsusulong ng pangkabuuan at pangmatagalan kapayapaan.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang aktibong paninindigan ng bawat isa laban sa karahasan at kawalan ng katarungan lalo na para sa tiyakin ang pagbibigay halaga sa dignidad ng mga itinuturing na mahihirap at mahihinang sektor ng lipunan.
“We call on all individuals and organizations to join us in advocating for an integral and inclusive peace that benefits the common good and uplifts the poor. Let us be courageous in speaking out against violence and injustice, and let us work together towards a future where everyone can live in peace and dignity,” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.