136,733 total views
Mga Kapanalig, ang paaralan, bilang pangalawang tahanan ng mga kabataan, ay lugar kung saan mabubuo ang kanilang mga kakayahan, kaalaman, at paniniwalang dadalhin nila sa kanilang pagtanda. Dahil dito, malaki ang tungkuling hawak ng mga guro bilang mga “pangalawang magulang” ng mga estudyante.
Usap-usapan kamakailan ang isang public school teacher na nagalit sa kanyang mga estudyante at naka-live ito sa social media app na TikTok. Sa video, pawang masasakit na salita ang binitawan niya, gaya na lamang ng “ugaling iskwater”, “ingrato”, “walang mararating sa buhay”, at “wala kayong lugar sa mundo”.
Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens. May mga nagalit sa guro. Mayroon mga nagsabing naiintindihan nila kung saan siya nanggagaling. Agad-agad namang naglabas ng show-cause order ang Department of Education para maipaliwanag ng guro ang kanyang ginawa. Matapos matanggap at basahin ang paliwanag ng guro, sinabi ni DepEd Secretary at VP Sara Duterte na walang parusang ipapataw sa nag-viral na teacher. Sa halip, ipinaalala niya na kung nakararamdam ng galit ang guro, pwede niyang ihinto pansamantala ang kanyang klase.
Sa isang banda, hindi natin maaaring balewalain ang sakit na naramdaman ng guro na maaaring nagtulak sa kanyang magbitiw ng masasakit na salita. Kung bagong guro ang nakaranas nito at siya ay nasaktan ng kanyang mga estudyante kasabay ng patong-patong na gawain bilang isang guro at ang sahod na hindi sapat, maaari nating sabihing may pinaghuhugutan siya, ‘ika nga. Maaaring iba ang kanyang naging reaksyon—o content sa TikTok—kung maayos ang suportang natatanggap ng mga gurong katulad niya, hindi lamang sa usaping suweldo at mga benepisyo kundi pati na rin sa mental at emosyonal nilang kalusugan. Magsilbi sanang wake-up call sa ating gobyerno ang isyung ito upang mabigyan ng sapat na suporta at pag-aaruga ang ating mga guro.
Sa kabilang banda, matimbang din ang tungkulin ng guro sa viral video bilang pangalawang magulang sa kanyang mga tinuturuan. Kasama sa tungkuling ito ang pagdisiplina sa kanyang mga estudyante. Ngunit ang pagdisiplina ay dapat isinasagawa sa paraang hindi nakasasakit. Gaya ng sabi sa Tito 2:7, “Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo.” Akmang paalala ito sa ating mga guro—sa pagiging mabuting halimbawa sa mga estudyante, importanteng mapangatawanan ng mga guro ang pagpiglas sa generational cycle of trauma sa pang-aabuso at karahasan. Hindi sana natataniman ng masasakit na salita ang mga isipan ng mga bata, dahil maaari nila itong dalhin sa kanilang pagtanda at gayahin sa tuwing sila ay nakararamdam ng galit.
Mga Kapanalig, maipakita sana ng gobyerno sa mga guro ang kanilang importansya, hindi lamang sa salita, kundi pati sa gawa. Mabuti ang pag-intindi sa aksyon ng nagalit na guro, ngunit masiguro rin sana na hindi na ito mauulit sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na suporta sa kanila. Sa Catholic social teaching na Gravissimum educationis, pinahahalagahan ang papel ng mga guro bilang kaagapay ng mga magulang. Kinikilala rin ang mga special qualities of mind and heart na nagpapahintulot sa kanilang gawin ang kanilang tungkulin. Magsilbi rin sana itong paalala sa mga guro na may mga katangian at ugaling inaasahan sa kanila bilang mga pangalawang magulang na tinitingnan ng mga kabataan bilang mabuting ehemplo.
Sumainyo ang katotohanan.