266 total views
Ikinatuwa ni dating Finance Secretary at ngayo’y Philippine Veterans Bank Chairman Roberto de Ocampo ang pagtulong ng iba’t-ibang bansa sa pagsasakatuparan ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Ayon kay de Ocampo, matutugunan ng Build Build Builld Program ng Administrasyong Duterte ang pagiging huli ng Pilipinas pagdating sa mga modernong gusali at imprastraktura.
Inaasahan ni de Ocampo na maghahatid ng pag-unlad sa business sector at makakahikayat ng mas maraming investors na mamuhunan sa bansa ang pagbibigay-prayoridad ng gobyerno sa infrastructure projects.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa mula sa official visit sa Japan noong nakaraang buwan, bitbit ni Pangulong Duterte ang isang trilyong yen o katumbas ng 456-bilyong pisong economic assistance na budget sa pagtatayo Metro Manila Subway Project na bahagi ng 8-trilyong pisong infrastructure program ng gobyerno.
Samantala, 376 bilyong piso naman ang ipinahiram ng bansang China para sa pagpapatayo ng imprastraktura na kayang makipagsabayan sa malalaking mga bansan.
Bagama’t mahabang bayaran ang mangyayari dahil sa bilyung-bilyong loan ng Pilipinas, kumpiyansa si de Ocampo na hindi malulubog sa utang ang bansa sapagkat aahon ang ekonomiya sa mga ipatatayong imprastraktura.
Una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na maituturing lamang na maunlad ang isang bansa kung kasabay nitong sumusulong ang buhay ng bawat mamamayan.