691 total views
Tiniyak ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa komunidad ng Mary Comforter of the Afflicted Parish sa Maricaban Pasay City ang patuloy na suporta at pakikiisa sa mananampalataya.
Ito ang nilalaman ng liham pastoral ng arsobispo hinggil sa paglipat ng pangangasiwa ng parokya sa Rogationists Fathers.
Iginiit ni Cardinal Advincula na bilang bahagi ng pamayanan ng arkidiyosesis ay kaisa ito sa paglalakbay ng nasasakupang kawan.
“Lagi ninyo sanang maramdaman na hindi kayo nakabukod mula sa Arkidiyosesis ng Maynila. Ang inyong pamayanan, sampu ng mga paring Rogationist, ay lagi naming kalakbay sa iisang Bayan ng Diyos dito sa Maynila.” ayon kay Cardinal Advincula.
Ito ang tugon ng cardinal sa alalahanin ng mamamayan ng Maricaban hinggil sa pagpapalit ng liderato ng kanilang parokya na kasalukuyang pinangangasiwaan ng arkidiyosesis.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na ang pasyang ipagkatiwala ang parokya sa mga Rogationist ay bunga ng masusing pag-aaral at pagdarasal alinsunod na rin sa naging resulta ng synodal consultations sa pamayanan.
Tiwala ang arsobispo na mapagyaman ng mga Rogationist ang debosyon sa lugar gayundion ang palingap sa pangangailangan ng mamamayan.
“Sa maraming taon na, ang mga paring Rogationists ay naglilingkod sa mga dukha ng lungsod ng Pasay at sa iba pang mga lugar. Nakalapat ang kanilang paglilingkod sa araw araw na karanasan ng mga maralita…Umaasa akong ang inyong debosyon ay lalo pang mag-uugat at magbubunga sa paglilingkod at pakikilakbay sa inyo ng mga paring Rogationist, sa pamamagitan ng mga handog nilang kakayahan at katangian.” ani ng cardinal.
Ang parokya ay itinatag noong Hulyo 1992 at kabilang sa 93 parokya ng arkidiyosesis.
Habilin ni Cardinal Advincula sa pamayanan ng Maricaban na isabuhay ang diwa ng pagbubuklod at pagmamahalan bilang tanda ng pananampalataya sa Diyos at hingin ang paggabay sa Mahal na Birheng Mariang Mapang-aliw sa mga nagdadalamhati.