10,728 total views
Tiniyak ng Caritas Manila ang pinaigting na pakikiisa sa panawagan ng sektor ng manggagawa sa agrikultura.
Ito’y matapos patuluyin ng Social Arm ng Archdiocese of Manila sa tanggapan ang may 300 magsasaka, mga kabataan at miyembro ng agricultural groups na pinangasiwaan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Ayon kay Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas , ang pagtanggap sa mga magsasaka ay bilang pagpapadama sa sektor na kasama nila ang simbahan higit na ang Social Arm ng Archdiocese of Manila sa kanilang pakikibaka.
“Tayo ay nakikiisa sa mga magsasaka at samahan ng KMP sa kanilang mga hinaing upang matulungan ang mga magsasaka sa panganib sa taripa ng gobyerno ay bababa na, naiintidihan natin na para maging mura ang bigas para sa mamamayan, pero huwag sanang kalimutan ang kalagayan ng mga magsasaka na nangangailangan ng regular at maayos na kita,” pahayag ni Fr.Pascual sa Radio Veritas.
Lubos naman ang pasasalamat ni Danilo Ramos, National Chairperson ng KMP sa pagtanggap ng Caritas Manila sa kanilang hanay bago ang isasagawang kilos protesta para hilingin sa pamahalaan na ipawalang bisa ang Rice Tarrification law at pagpapatigil sa red-tagging at katarungang panlipunan sa mga harassment sa kanilang hanay.
Ayon kay Ramos, sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga ecumenical religous groups higit na ng Simbahang Katolika ay napapalakas ang panawagan ng sektor ng mga magsasaka upang makamit ang kanilang mga ipinaglalaban.
“Napakahalaga po ng suporta ng simbahan siyempre po tinitukoy natin ang Roman Catholic at iba pang demonisasyon, Philippine Independent Church, Methodist Church, National Council of Churches at Episcopal Church of the Philippines, alam po namin na amg inyong mga constituents ay mga magsasaka, manggagawa at maralita at partikular po maraming maraming salamat po sa ating pinakamamahal na Cardinal Jose Advincula na siya pong pinaka head sa ating bansa, Kay Fr Anton Pascual hindi po siya nag atubili nang makausap natin ang pag sang-ayon na dito ganapin ang gabi ng pagkakaisa na pag-iistay ng mga magsasaka,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Ramos.
Tiniyak ni Ramos na unang ipinanawagan sa kilos protesta ay ang pagsawalang bisa ng Rice Tarrification Law na simula noong 2019 ng maisabatas ay nagdulot ng 30 bilyong pisong pagkalugi sa mga magsasaka ng palay.
Apela din ng mga magsasaka ang suporta upang mapaigting ang lokal na produksyon ng pagkain upang maalis ang pagiging import dependent ng Pilipinas.