179 total views
Umapela ng pakikibahagi at pakikiisa sa mga mananampalata si Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radyo Veritas at Executive Director ng Caritas Manila para sa Alay Kapwa Telethon na isasagawa sa Lunes Santo.
Ayon sa Pari, ang programang Alay Kapwa ng Simbahan tuwing Semana Santa ay naglalayong bigyang kalamayan ang bawat Katoliko sa pagkakaroon ng pananagutan sa kapwa partikular na sa mga mahihirap, may karamdaman at mga biktima ng kalamidad na nangangailangan ng tulong at paggabay upang muling makaahon sa kanilang kalagayan sa buhay.
Dagdag pa ni Fr. Pascual sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ay maipaparamdam rin ng bawat Katoliko sa mga mahihirap at sa mga dumaranas ng mga pagsubok sa buhay ang habag at awa ng Diyos.
“Meron tayong Alay Kapwa this coming Monday para itaas ang kamalayan nating mga Katoliko sa ating pananagutan sa kapwa lalong lalo na sa mga mahihirap, mga may sakit at mga biktima ng kalamidad kaya meron po tayong taunang Alay Kapwa na kung saan tayo po ay naaabuloy sa Simbahan na gagamitin para matulungan ang mga mahihirap na makaahon sa kanilang kalagayan at biktima ng kalamidad sa ating bansa na gawa ng kalikasan at gawa ng tao at maramdaman ng mga mahihirap ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng ating kawang gawa kaya meron po tayong Alay Kapwa na Telethon this coming Monday although this coming Sunday merong Palm Sunday, meron pong second collection sa mga Simbahan for Alay Kapwa, tayo naman sa Lunes ang ating Alay Kapwa program sa Radyo Veritas and Caritas Manila…” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Anton CT Pascual sa panayam sa Radyo Veritas.
Gayunpaman bago ang nakatakdang Alay Kapwa Telethon ng Radyo Veritas at Caritas Manila sa Lunes Santo ay magkakaroon rin ng second collection sa mga Simbahan sa darating na Linggo ng Palaspas bilang bahagi ng pangangalap ng pondo ng Simbahan para sa mga programang tinututukan ng Alay Kapwa.
Samantala nauna na ring nanawagan sa mga mananampalataya si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang pastoral letter upang suportahan ang nakatakdang Alay Kapwa 2018 para makapangalap ng sapat na pondo bilang standby fund sa mga posibleng biktima ng iba’t ibang kalamidad at sakuna sa bansa.
Bukod dito umaasa rin ang Cardinal na mas magiging mapagbigay at bukas-palad pa ang mga mamamayan sa pagbibigay ng abuloy o donasyon ngayong panahon ng Kwaresma bilang pakikibahagi sa iba’t ibang mga adbokasiya ng Simbahang Katolika.
Kaugnay nito nakatulong ang nakalap na pondo ng Alay Kapwa noong nakalipas na taong 2017 para sa mga biktima ng 6.7-magnitude na lindol sa Surigao del Norte noong Pebrero, Bagyong Urduja at Vinta sa Visayas at Mindanao sa noong Disyembre at maging sa relief at rehabilitasyon ng mga naipit na residente sa naganap na kaguluhan sa Marawi City bukod pa sa mga naganap na iba’t ibang sakuna at kalamidad tulad ng sunog sa Kalakhang Maynila.