471 total views
August 31, 2020
Inihayag ng tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila na dapat pahalagahan ng mamamayan ang tinaguriang modern day heroes sa laban kontra Corona Virus pandemic.
Sa homiliya ni Bishop Broderick Pabillo, sa misang inialay para sa mga frontliner sa San Felipe Neri Parish Mandaluyong City nitong ika 31 ng Agosto, kinilala at pinarangalan ang medical at service frontliners na hindi alintana ang panganib na idudulot ng COVID-19 sa sariling kalusugan, mapaglingkuran lamang ang kapwa.
Sinabi ng Obispo na hindi nagsawa ang mga frontliners na magbahagi ng panahon sa paglilingkod sa mamamayan sa kabila ng dumarami pang kaso ng COVID-19.
“Gusto nating bigyan halaga ang patuloy na kabayanihan ng ating mga frontliners dahil sa ngayon lumulutang ang bayan dahil sa kanila; Hindi sana mawala sa puso ang hangaring magpakabayani,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Binigyan pansin ng obispo ang mga medical frontliners na sa kabila ng mababang pasahod, lubhang mapanganib na gawain at kadalasang biktima ng diskriminasyon ay nanindigan pa rin sa kanilang tungkulin na pagsilbihan at unahin ang kalusugan ng mamamayan.
Matatandaang sa tala ng Department of Health, umabot na sa halos pitong libong healthcare workers ang nahawaan ng COVID 19 kung saan 40 na ang nasawi na binigyan pugay at parangal sa banal na misa sa pamamagitan ng pag-alay ng mga kandila.
Sa banal na misa ilan sa mga kinatawan ng medical at service frontliners ay sina Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos, Mariz Umali, Dr. Lila Dacuma, MD, George Wayne Molina, Noel Praxides, Raymark Juria, Marilou Olanga, PSSg. Jesus Sumang, Commander Ruel Nicolas, at FO3 Celso Matanguihan.
Bukod sa mga medical frontliners, kinilala rin ng Simbahang Katolika ang ambag ng mga service frontliners tulad ng mga matapat na kawani ng pamahalaan, pulis, sundalo at iba pang naglilingkod sa sandatahang lakas ng bansa, ang mga mamamahayag na patuloy sa paghahatid ng mga Balita at impormasyon sa sambayanan, ang mga nasa sektor ng transportasyon, edukasyon, negosyo, maging ang mga magulang at ang mga nasa religious sectors na nakikiisa sa mamamayan na patatagin ang kalooban ng mga pinanghihinaan.
Sa huli ay hinimok ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na patuloy kumapit at magtiwala sa biyaya ng Panginoon na kaisa ng bawat tao sa pagharap sa krisis pang kalusugan.
“Ang tiwala ng Diyos ay naniniwalang mahal tayo ng Diyos, Kaya tayo’y magtiwala na mahal tayo ng Diyos, na nabahala siya at na kumikilos sya; Magkaisa po tayo sa panalangin, huwag tayong tumigil, sapagkat nariyan ang Diyos,” Saad pa ni Bishop Pabillo.
Katuwang ni Bishop Pabillo sa pagdiriwang ng banal na misa sina Rev. Frs. Ramon Merino, Hans Magdurulang, Christopher Fajardo, Roy Bellen at Raymund Tapia.