299 total views
Suportahan at ipanalangin ang mga pamilya at ang mga migranteng malayo sa isa’t-isa.
Ito ang panawagan ni Father Artemio Fabros – Head Minister ng Archdiocese of Manila Migrants Ministry kaugnay sa pagdiriwang ng ika-32 taon ng Pandaigdigang Araw ng mga Migrante sa Pilipinas.
Hinimok ng pari ang mga mananampalataya, bawat simbahan o mga parokya na magtatag ng Migrants Ministry na susuporta sa mga naiwang pamilya ng mga Overseas Filipino Workers sa bansa.
Ayon kay Father Fabros, mahalagang may grupong kinabibilangan at napaglalabasan ng mga saloobin ang naiiwang pamilya ng mga OFW.
Iginiit ng Pari na mahalagang pangunahan ng Simbahan ang pag-gabay sa mga ito upang mapanatili ang kanilang pagiging matatag sa kabila ng milyang layo nito sa kanilang minamahal sa buhay,
“Patuloy natin silang suportahan, sa parokya natin, sana magtayo tayo ng mga migrants ministry at ma-gather natin yung mga pamilyang naiwan dito sa Pilipinas at makausap natin sila, mabigyan ng inspirasyon, tapos magabayan, paano ang magiging buhay ng malayo sa pamilya, tapos sa financials nila, paano mag cope up ng loneliness.” Pahayag ni Father Fabros sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, sa ganitong paraan ay magagabayan din ang mga pamilya at ang kaanak nitong nasa ibang bansa na malayo sa mga tukso dulot ng kanyang panlulumbay at pangungulila sa pamilya.
“Oo kasama natin ang Panginoon sa paglalakbay, pero palaging nandun pa rin ang tukso. Yan ang Gospel natin ngayon na yung emphasis ay parati nating isama sa panalangin natin yung mga kapatid natin na malayo sa pamilya at nalulungkot.” Pahayag ng pari.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Pari ang mga migrante o ang mga OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo na bukod sa paghahanap buhay ay gawing misyon na ipadama sa kapwa maging kristiyano man o hindi ang pananampalataya ng isang Filipino kay Hesus.
Paliwanag ni Father Fabros, dahil sa dami ng mga Filipino sa iba’t-ibang mga bansa ay nagiging bahagi ang mga ito ng misyon ni Kristo na ipalaganap ang kanyang mga turo at pagyabungin ang pananampalatayang Kristiyano.
“Napakaraming Filipino sa buong mundo, at hindi lang [sila naroon para] maghanap buhay, meron talagang gusto ang Panginoon na magagawa natin sa pagsasabuhay natin ng ating pananampalataya, dun natin din nadadala ang ibang kapwa natin Filipino o hindi Filipino na makita nila, maramdaman nila na meron tayong pananampalataya and that is doing the mission.” Paliwanag ni Father Fabros.
Samantala, ipinaalala din ng pari na kung gaano ang pagnanais ng mga Filipino na mapabuti ang pagtrato sa kanilang kaanak sa ibang bansa, ay ganun din dapat ang maging pakikitungo ng mga Filipino sa iba pang migrante dito sa Pilipinas.
Hinikayat ni Father Fabros ang mga Filipino na buksan ang kanilang mga puso at mainit na tanggapin ang mga migrante sa Pilipinas na walang pamilya o sinumang mga kakilala.
Sa ganitong sitwasyon, sinabi ng pari na tulad ng inilunsad ni Pope Francis na “Share the Journey” campaign, ay nais ng Santo Papa na ang bawat mananampalataya ay magbukas ng kanilang mga puso at makilakbay sa mga migranteng kanilang makikilala.
“Kaya kung tayo’y nandun sa isang sitwasyon na meron tayong nakitang isang tao na kapatid natin, iba ang kulay, iba ang itsura, sana buong puso natin silang lapitan, iparamdam natin ang ating pananampalataya, Kristiyano man o hindi Kristiyano, tayong lahat ay magkakapatid.” Pahayag ni Father Fabros.
Matatandaang inilunsad noong Septyembre 2017 ng Santo Papa ang Share the Journey migrants campaign na layong magbigay ng pag-asa sa mga migrante at refugees na pangunahing apektado ng mga kaguluhan partikular na sa bahagi ng Africa.
Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees, mahigit 65.6 na milyong indibidwal sa buong mundo ang nangangailagan ng pagkalinga at pag-asa dahil ang mga ito ay napipilitan lamang na umalis mula sa kanilang tahanan dahil sa mga karahasan at kaguluhan.
Sa Pilipinas, batay sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2016 ay umabot na sa mahigit 2.2milyon ang mga Filipinong nasa iba’t-ibang panig ng mundo at nakikipagsapalaran upang mabigyan ng masmaginhawang buhay ang kanilang pamilya.