621 total views
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi maapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Agaton ang suplay ng mais at iba pang agricultural products sa bansa.
Ito’y matapos maitala ng DA Disaster Risk Reduction Managament Operation Center (DA-DRRM Ops Center) na umaabot sa higit 1-bilyong piso ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura at mahigit sa 800-metrikong tonelada ng mais ang napinsala ng bagyo.
Ayon kay Engr. Arnel De Mesa, Agriculture Assistant Secretary for Field Operations, bahagi ng taunang paghahanda ng kagawaran sa ibat-ibang uri ng kalamidad lalu na ang halos 20-bagyong nananalasa sa Pilipinas taon-taon.
“Kasi every year naman nagkakaroon tayo kalkulasyon- gaano karami yung pwedeng maapektuhan ng bagyo? so consider sa equation natin- overall equation natin itong mga ganitong losses na pwede pa natin ma-recover,” ayon sa pahayag ni Asec. De Mesa.
Inihayag din ni Asec.De Mesa ang matatag na pakikipag-ugnayan ng DA sa mga local government units at Public Information Office (PIO).
Ito ay upang mapaghandaan ang mga inaasahang sakuna at agad na matugunan ang pangangailangan ng mga nasalantang manggagawa sa sektor ng agrikultura.
“At the end of the day ma-ensure natin na magpatuloy yung level of productivity na inaasahan natin kahit na mayroong mga ganitong bagyo,” pagbabahagi pa ni Asec. De Mesa.
Una ng nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na tulungan ang kabuoan ng sektor ng agrikultura upang matiyak na may sapat na suplay ng pagkain ang Pilipinas sa kabila ng pananatili ng pandemya.