44,387 total views
Naniniwala si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na mahalaga ang sinisimbolo ng nakatakdang itayo na Dambana ng Paghilom para sa mga biktima ng marahas na implementasyon ng war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ayon kay Bishop David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na ang itatayong kauna-unahang EJK Memorial Site na tinaguriang ‘Dambana ng Paghilom – Himalayan ng mga biktima ng EJK’ sa La Loma Cemetery sa Caloocan ay isang kongkretong paalala na hindi na dapat na hayaang muling maulit pa ang naganap na karahasan sa lipunan.
Giit ng Obispo, walang sinuman ang may karapatan na kumitil ng buhay ng kapwa nilalang sapagkat sagrado ang kaloob na buhay ng Panginoon sa sangkatauhan.
“Ito ay isang pananda, isang paalaala kasi mabilis tayong makalimot para hindi na maulit ang ganoon [karahasan] lalo na kasi-celebrate lang natin ng Universal Declaration of Human Rights at nabanggit ko na ang pinakabasic na human right ng tao ay buhay na walang karapatan ang sinuman na kitlan ng buhay ang sinuman dahil sagrado ang buhay. Malagim yung mga pangyayari noon dapat tandaan natin yun para hindi na talaga maulit pang muli kaya ang tinawag dito ay Dambana ng Paghilom.” Ang bahagi ng pahayag ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa Radyo Veritas.
Binigyang diin naman ni Bishop David na hindi kailanman mababago ang paninindigan ng Simbahan kaugnay sa pagsusulong ng karapatang pantao at kasagraduhan ng buhay kaya naman hindi dapat na mag-atubili ang sinuman na lumapit at humingi ng tulong sa Simbahan.
Kaugnay nito, ibinahagi din ng Obispo ang pagbubuo ng support group ng Diyosesis ng Kalookan para sa mga naulilang asawa at mga anak ng mga biktima ng EJK.
“Ito ay isang assurance na ibinibigay ng Simbahang Katolika na kasama niyo ang Simbahan at huwag kayong mag-atubili na lumapit sa Simbahan dahil kayo ay bahagi ng pamilya at ito ang paraan para ipahayag namin ang aming taus-pusong pakikiramay at sa Diocese of Kalookan ay minabuti namin magkaroon ng support group ang mga katulad ninyo lalo na yung mga widows and orphans.” Dagdag pa ni Bishop David.
Ang pagtatayo ng kauna-unahang EJK Memorial Site ay inisyatibo ng SVD Philippine Central Province – Justice Peace and Integrity of Creation na nangangasiwa sa Arnold Janssen Kalinga Foundation sa pakikipagtulungan ng IDEALS at ng Diyosesis ng Kalookan.
Sa kasalukuyan may mahigit sa 300 ang bilang ng mga pamilyang kinakalinga ng Program Paghilom ng Arnold Janssen Kalinga Foundation na nangangasiwa sa pagtatayo ng Dambana ng Paghilom.