28,659 total views
Pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang publiko para sa mapayapa at makabuluhang paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay Abalos, ang paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ay magandang pagkakataon upang magnilay at muling magbalik-loob sa pananampalataya bilang mabubuting mamamayan.
“Sa ating pagninilay-nilay sa sagrado at mahalagang panahon na ito, suriin natin ang ating mga gawa at diwa; timbangin ang ating ambag sa lipunan; at pag-isipan kung paano natin maisasabuhay ang mga aral ng ating Panginoong Hesukristo,” pahayag ni Abalos.
Samantala, inihayag naman ng kalihim na patuloy ang pagkilos at pagbabantay ng DILG at Philippine National Police upang matiyak ang kaligtasan ng mananampalataya sa iba’t ibang lugar ngayong mga mahal na araw.
Tinatayang nasa 35-libong pulis at higit 400 police service dogs ang inatasang magbantay at magsagawa ng inspeksyon mula Marso 28-31 sa mga matataong lugar tulad ng simbahan, pilgrim sites, pasyalan, paliparan, bus terminal, at pantalan.
Dagdag pa ni Abalos na magsasagawa rin ng checkpoint ang PNP sa strategic places bukod pa sa red-teaming operations kasama ang Regional at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Councils, bilang paghahanda sakaling magkaroon ng sakuna.
“Kalakip po ng ating pagpapakita ng pananampalataya ay ang pag-iingat laban sa mga kriminal na walang pinipiling panahon upang mambiktima. Mahigpit po ang paalala namin sa publiko na mag-ingat at maging listo upang maiwasan ang disgrasya at maging biktima ng krimen. Be vigilant and stay safe this Holy Week,” giit ni Abalos.
Hinikayat naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na makibahagi sa mga gawaing simbahan ngayong Semana Santa, at manalangin para sa patuloy na kapayapaan ng lipunan.