5,762 total views
Pagnilayan ang nakagawiang pamumuhay at gawing kaaya-aya sa Diyos at kapwa.
Ito ang mensahe ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa bawat mananampalataya bilang paggunita sa Araw ng mga Banal at Araw ng mga Yumaong Mahal sa Buhay.
Ayon kay Bishop Presto, ang paggunita sa mga araw na ito’y nagsisilbing paalala sa bawat isa upang suriin ang pamumuhay bilang mga manlalakbay sa mundo.
Sinabi ng obispo na makabubuting ayusin ito upang maging kaaya-aya sa mata ng Diyos at kapwa, at makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, katulad ng mga halimbawa ng mga banal.
“Inaalala natin ang mga banal, at sa ating pag-alala sa kanila, hilingin natin ang kanilang panalangin para sa mga naglalakbay pa rito sa lupa. Na kahit papaano’y makapaglakbay tayo na nakatuon ang paningin natin sa langit, na siyang ating hantungan. Tayo din nawa’y makapulot ng halimbawa mula sa naging buhay ng mga banal upang maging inspirasyon nating mamuhay ayon sa kabanalan,” ayon kay Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Hinikayat din ni Bishop Presto ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga yumaong mahal sa buhay, hindi lamang tuwing Undas, kundi sa bawat pagkakataong sila’y maaalala, lalo na sa araw ng kanilang kamatayan.
Paliwanag ng obispo na sa tuwing magtitirik ng kandila sa puntod ng mga yumao, ang bawat panalangin ay hiling sa Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng mga pumanaw.
“Sa ating pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay at sa pagdalaw sa kanilang libingan, atin silang ipagdadasal. Sa pagtitirik ng kandila sa kanilang puntod, hilingin natin sa Poong Maykapal ang paggawad ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Hindi lamang sa araw ng mga patay natin sila alalahanin ngunit sa tuwing atin silang maaalala at sa araw ng kanilang kamatayan,” ayon kay Bishop Presto.
Sa katuruan ng simbahan, ang pag-aalay ng panalangin para sa mga yumaong mahal sa buhay ay hindi lamang nakatutulong para sa kapayapaan ng kanilang kaluluwa kundi nagbibigay rin ng aliw sa mga naiwang pamilya.