1,720 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth sa mga kabataan na pansamantalang huminto sa maraming gawain at suriin ang sarili ngayong panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng kumisyon, isang magandang oportunidad ang panahon ng Kuwaresma upang higit na magnilay at suriin ang sarili bilang paghahanda sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus para iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.
Ipinaliwanag ng Obispo na magandang pagkakataon rin ang panahon ng nagsimula sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo upang muling magbalik loob ang lahat at higit pang patatagin ang pananampalataya sa Panginoon.
“Yung message ko para sa youth is of course parang to stop, to pause of course siyempre marami tayong pinagkakaabalahan, hindi lang sa mga kabataan but we are busy with many other things, with concerns but Lent specially (as it starts) with Ash Wednesday this is an opportunity to stop and to examine ourselves…”pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na mahalagang isantabi muna ng bawat isa partikular na ng mga kabataan ang mga makamundo at panandaliang bagay upang ganap na masuri ang sarili at mapagnilayan ang walang kupas na pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan.
Ibinahagi din ni Bishop Alarcon na isang magandang pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma upang mapanariwa ang angking kabutihan at kabanalan ng bawat isa tulad ng pagiging mabuti, magalang, mapagbigay, matapat at matulungin lalo na sa mga nangangailangan.
“To examine ourselves beyond things that are mga bagay na madaling lumilipas, of course syempre the youth are interested in KPOP, ML, Tik-Tok, Netflix, Instagram but to go beyond this. When you say go beyond this is to give time to reflect on things that are lasting and it’s an invitation to go back to virtue. When we say virtue, go back to kindness yung mga tinuturo natin sa maliliit na bata kindness, respect, sharing, helping others, being honest, concern for others, care for our family member because these things they last…” pahayag ni Bishop Alarcon.
Bahagi ng mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco ngayong Kuwaresma ang higit na pagpapasigla sa pananampalataya at pagkakawanggawa sa mga nangangailangan na isa ring mahalagang tugon sa gitna ng patuloy na pagharap ng daigdig sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.