480 total views
Magkaroon ng pagsusuri sa sarili bago maghain ng kandidatura.
Ito ang hamon ni Rev. Fr. Jerome Secillano – executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa pagsisimula ng paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga kakandidato para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.
Ayon sa Pari, bago maghain ng kandidatura ay dapat na masuri ng mga pulitiko ang kanilang tunay na intensyon at pagnanais na maglingkod para sa mamamayang Pilipino.
Paliwanag ni Fr. Secillano, ang tunay na diwa ng politika ay ang pagiging instrumento ng paglilingkod sa kapwa at hindi para sa pansariling interes sa posisyon at kapangyarihan.
“Sana bago mag-file ng candidacy ang mga kakandidato ay natanong muna nila kung bukal sa kanilang puso ang paglilingkod sa kapwa Pilipino. Ang politika ay hindi kase dapat ginagamit sa pansariling interes lang. Ayon nga sa Santo Papa, ito ay mainam na instrumento ng paglilingkod sa kapwa.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman si Fr. Secillano na isa sa nagsusulong ng One Godly Vote election campaign na magkaroon ng sapat at naaangkop na pagpipilian ang mga botante sa mga kandidatong maghahain ng kanilang kandidatura para sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ng Pari, mahalaga ang pagiging tapat ng mga kandidato sa tungkulin ng isang tunay na lingkod bayan na magkaloob ng serbisyo para sa kapakanan at kaunlaran ng bayan at ng bawat mamamayan.
“Nawa, mabigyan ng sapat at wastong pagpipilian ang mga botante sa darating na halalan. At maging tapat sana ang mga kakandidato sa kanilang tungkuling magdala ng kaunlaran sa bayan at sa bawat mamamayan!” Dagdag pa ni Fr. Secillano.
hinikayat naman ng Pari ang bawat mananampalataya na magdasal ng Santo Rosaryo upang taimtim na ipanalangin ang pagkakaroon ng makabuluhang halalan sa bansa.
Ayon kay Fr. Secillano, napapanahon ang magkaalinsabay na pagsisimula ng paghahain ng kandidatura ng mga kandidato sa nakatakdang halalan at pagsisimula ng Buwan ng Santo Rosaryo ngayong Oktubre upang ipanalangin at hilingin ang gabay ng Mahal na Birheng Maria sa pagkakaroon ng maka-Diyos na political engagement at pagpili ng karapat dapat na mga lingkod bayan ng bawat botante sa nakatakdang halalan.
“Magdasal din tayo para sa pagkakaroon ng makabuluhang halalan. Tamang-tama sa pagbubukas ng filing ng candidacy, ang buwan ng Oktubre ay Buwan ng Santo Rosaryo. Hilingin natin sa Mahal na Birhen sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo na gabayan tyo sa pagpili ng mabubuting pinuno at tunay na pagkalooban tyo ng Diyos ng mga karapat-dapat na lingkod ng bayan.” Apela ni Fr. Secillano.
Batay sa pinakahuling tala ng Commission on Elections (COMELEC), umaabot na sa 63-milyon ang bilang ng mga rehistradong botante para sa nakatakdang 2022 National ang Local Elections na pawang inaanyayahan ng Simbahan para sa pagkakaroon ng One Godly Vote o pagboto sa pamamagitan ng gabay ng mga panlipunang turo ng Simbahan.
Kaugnay nito, mayroon lamang hanggang ika-8 ng Oktubre, 2021 ang mga nagnanais na kumandidato na maghain ng kanilang Certificate of Candidacy sa COMELEC kung saan matapos ang proseso ng paghahain ng kandidatura ay muling bubuksan ng ahensya ang proseso ng voters’ registration sa bansa mula ika-11 hanggang ika-30 ng Oktubre, 2021.