20,764 total views
Pinaalalahanan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mananampalataya na napapanahong suriin ang ugnayan sa Diyos ngayong panahon ng kuwaresma.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagsisimula ng paghahanda sa Paschal Triduum ngayong February 14, ang Miércoles de Ceniza o Ash Wednesday.
Sinabi ni Bishop Ongtioco na mahalaga ang panahon ng kuwaresma kung saan hinahanap at hinihintay ng Diyos ang tao na magbalik loob.
“Ngayong panahon ng kuwaresma panahon isang panahon ng pagsusuri ng ating kalooban tayo ba ay lumalago sa ating pananampalataya, ng ating pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Bishop Ongtioco ang mahalagang gawain ngayong kuwaresma ang pananalangin, pag-aayuno, pagtitika at kawanggawa.
“Gamitin ang pagkakataon na ito maging mabunga ang ating kuwaresma sa pamamagitan ng panibagong sigla; nawa’y mag-ayuno tayo sa tamang paraan di lang sa pagkain ngunit sa mga salitang di nakatutulong upang ang mabigyang lakas, panibagong sigla yung ating kapwa dapat yung affirmation to support each other para lumago tayo sa kabanalan,” giit ng obispo.
Pinangunahan ng obispo ang banal na misa sa Radio Veritas Chapel sa Quezon City kasama si Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual.
Samantala inaanyayahan naman ni Fr. Pascual na kasalukuyang Executive Director ng Caritas Manila ang mamamayan na suportahan ang programang ‘Alay-kapwa 40 for 40 Challenge’ ng social arm ng Archdiocese of Manila.
Ito ang pagtitipid ng 40 piso kada araw sa loob ng 40 araw ng kuwaresma o kabuuang 1, 600 piso kung saan ang malilikom na pondo ay gagamitin para sa mga programa ng alay kapwa partikular ang feeding program ng simbahan na tumutugon sa usapin ng malnutrisyon sa kabataan gayundin sa mga nasalanta ng kalamidad.