943 total views
Ipinabatid ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa mga balita at pag-alam ng wasto at tunay na katotohanan.
Ito ang paalala ni Reverend Father Jade Licuanan, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, sa ika-36 na taong paggunita ng EDSA People Power Revolution ngayong February 25.
Inihayag ni Father Licuanan na bagamat wala pa ang online social media noong 1986 ay nagkaroon pa rin ng ilang pagkakataon ng mga pagkalat ng “fake news”.
Sinabi ng Pari na obligasyon ng bawat mamamayan na magkaroon ng pananagutan at responsibilidad na pag-aralang maigi, suriin at alamin ang katotohanan tuwing gumagamit ng social media platforms.
“I think that’s part of our obligation pagbabahagi ng obligasyon ng isang tao, kabataan man o matanda na nasa social media, na dapat ito ay sasamahan niya ng seryoso, matiyaga at mapanuring pagtingin at pag-aaral kung ang mga nababasa natin napapanood natin ay totoo,” ayon sa Pari.
Mensahe naman ni Mona Magno-Veluz, Presidente ng Philippine Autism Society, Genealogist at isa ring Masters Degree graduate ng Applied Business Economics sa University of the Philippines, dapat maging kritikal ang mga mamamayan sa paggamit ng social media dahil hindi lahat ng impormasyong mahahanap dito ay pawang katotohanan.
“Dapat po tayo ay maging kritikal sa lahat ng impormasyon na nakikita natin sa social media, hindi dahil may litrato, hindi dahil may video hindi dahil may info-graphic at totoo na siya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Veluz.
Ito ay dahil naman sa paglaganap ng mga maling impormasyon at binalaktad na katotohanan sa estado ng ekonomiya sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng 20-taon kung saan ngayon ay maraming nagpapakalat sa ibat-ibang social media platform na “Golden Age” ng ekonomiya at ng Pilipinas ang mga panahon ng Diktaturyang Marcos.
Ayon kay Veluz, sa kaniyang pag-aaral, triple ang naging presyo ng mga bilihin sa pamumuno ni Marcos kung saan noong 1972 ang 10% ang unemployment rate ay nag-triple at umabot sa 33% pagsapit ng 1982.
“Unemployment at underemployment ganun din, ikumpara mo mula 1972 na nasa 10% papuntang 1982 naging 33% ang unemployment at underemployment so triple din.”
Paalala ni Father Licuanan, tungkulin din ng isang Kristiyanong kabataan at mananampalataya ang pagkakaroon ng masinsinang pag-aaral at pagsusuri upang ibahagi ang katotohanan alinsunod sa naging sakripisyo ng Panginoong Hesus na nakaranas ng pang-uusig at nasawi sa Krus ng dahil sa katotohanan.
Paalala rin ni Veluz sa bawat mamamayan higit na sa mga Guro ang pagiging kritikal sa pag-alam ng katotohanan at gamitin o paniwalaan lamang ang mga impormasyong may sapat na suporta at mga isinagawang pag-aaral upang maipasa ang kaugalian sa mga kabataan at susunod na henerasyon.