440 total views
Hindi dapat basta maniwala ang taumbayan sa mga lumalabas na resulta ng survey ngayong papalapit na ang halalan.
Ito ang paalala ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo kaugnay sa paggamit ng mga politiko sa survey bilang propaganda tools upang maikondisyon ang pag-iisip ng mamamayan.
Ayon sa Obispo na siya ring outgoing Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, hindi dapat gamiting batayan ng mga botante ang mga resulta ng mga survey sa pagpili o pagboto sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
“Malapit na ang election. Umiinit na ang mga balita tungkol sa mga politico na nagpopositioning. Pinalalabas na ang mga surveys kuno kung sino ang gusto ng tao. Sana po hindi tayo maniwala sa mga surveys na ito. Kinukundisyon lang ang mga pag-iisip natin. Bayaran din ang mga ito at nagiging propaganda tools na ng mga politico.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, sa halip na sa mga survey ay mas higit na dapat na magsilbing gabay ng mga botante ang Salita ng Diyos sa pagpili ng mga karapat-dapat na lider na mamumuno sa bansa.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, nasasaad sa Bibliya na ang lider o pinuno ay dapat na magsilbing tulad ng isang pastol na nangangalaga sa kapakanan at kabutihan ng kanyang kawan.
Iminungkahi ng Obispo sa mga botante na piliin ang mga politiko na tunay na mayroong malasakit at pagnanais na maglingkod para sa mamamayang Filipino at hindi dapat sa sariling interes sa posisyon at kapangyarihan sa pamahalaan.
“Instead of considering the surveys let us be influenced by the Word of God. It has a lot to tell us about leadership, even political leadership. In the Bible the leader is considered as a shepherd. Tulad ng pinamumunuan ng pastol ang kawan, ganoon din pinamamahalaan ng leader ang mga nasasakupan niya.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Giit ng Obispo si Hesus ang dapat na maging huwaran ng mga pipiliing lider ng bayan partikular na ang pagkakaroon ng dalisay na puso ni Hesus para sa mga nangangailangan sa lipunan.
Ayon kay Bishop Pabillo ang mga lider lalo tuwing panahon ng krisis ay dapat na mayroong habag at awa para sa kalagayan ng mamamayan sa halip na patuloy na magsulong ng karahasan at pagpaslang.
“Tinugunan ni Jesus ang pangangailangan ng mga tao kasi siya ay may habag sa kanila. His heart was moved with pity for them. We need leaders who are moved by the dire situations of the people. We need leaders who have mercy and compassion and not promote kill! Kill! Kill!” Ayon pa kay Bishop Pabillo.
Muli namang binigyang diin ng Obispo ang kahalagahan ng pananalangin sa Panginoon upang gabayan ang taumbayan sa pagsasantabi sa mga huwad na lider ng bansa na nagsusulong ng karahasan at kasinungalingan na dahilan ng pagdurusa ng mga mamamayan.