234 total views
Mga Kapanalig, mahigit tatlumpu’t isang milyong Pilipino ang bumoto kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Kasabay ng mga panawagang magkaroon ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng iregularidad, unti-unti namang lumabalas na ang mga plano at susunod na mga hakbang ng bagong administrasyon.
Maraming nag-aabang na hamon kay President-elect Marcos, Jr. Nariyan ang 12 trilyon pisong utang ng bansa upang matugunan ang pandemya at mga epekto nito. Lumobo rin ang bilang ng mahihirap sa bansa. Tinatayang nasa 23.7% ng populasyon sa bansa o mahigit 26 milyong Pilipino ang mahirap. Nasa 6.4% o mahigit tatlong milyong Pilipino ang unemployed o walang trabaho. Kuwestiyon din, lalo na sa mga human rights groups, kung uusad pa ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao nitong nagdaang administrasyon, partikular na sa war on drugs ni Presidente Duterte.
Sa gitna ng mga ito, patuloy ang batuhan ng masasakit na salita sa social media ng mga tagasuporta ng mga nanalo at natalong kandidato. Umabot ito sa batuhan ng hindi magagandang salita at sa pangmamaliit sa mga taong iba ang sinusuportahang kandidato. May mga hindi makatanggap na ang anak ng diktador at pinatalsik ng EDSA People Power noong 1986 ay muling magbabalik sa kapangyarihan. Paano raw siya magiging mabuting lider kung nahaharap siya at ang kanyang pamilya sa iba’t ibang kaso? Noong kampanya, ni hindi siya sumipot sa ilang debate upang ipresenta ang kanyang mga plano. Todo-iwas pa siya sa mga tanong ng mga taga-media. Dahil sa mga ito, may ilang nagbantang hindi na sila lalahok sa pamamahala, at wala nang magiging pakialam sa mayoryang bumoto kay Ginoong Marcos.
Ngunit ang pakikilahok ng taumbayan ay mahalagang bahagi ng isang demokratikong sistema ng pamahahala. Kinikilala ito maging ng mga panlipunang turo ng Simbahan. Sa araw ng halalan, ginagamit natin ang kanilang kapangyarihang pumili ng kanilang mga lider, ngunit hindi roon natatapos ang ating pakikibahagi sa demokrasya. Asahan dapat ng taumbayan sa kanilang mga inihalal ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin sa bayan. Naniniwala ang Simbahang upang tunay na paglingkuran ng pamahalaan ang taumbayan, kailangan ang pakikilahok natin sa pamamahala—mula sa mga barangay, munisipyo, at lungsod hanggang sa pambansang pamahalaan. Dahil dito, importanteng manatiling may alam at may pakialam ang taumbayan sa mga ginagawa ng pamahalaan.
Maaaring mabigat sa kalooban ng mga Pilipinong hindi bumoto sa mga nahalal na kandidato ang pakikilahok sa bagong administrasyon. Gayunpaman, higit itong kailangan sa gitna ng maraming hamong kinakaharap ng ating bayan. Lalong kailangan ang partisipasyon ng taumbayan upang masigurong magagamit nang wasto ang kaban ng bayan, matutugunan ang kahirapan at kawalan ng trabaho, at mapoprotektahan ang karapatan at kalayaan ng lahat. Ang pakikilahok sa pamamahala ay hindi rin nangangahulugang sasang-ayon tayo lagi sa gustong mangyari ng mga nasa poder. Isaisip din nating hindi salungat sa hangarin ng Diyos na itaguyod ang buhay at dignidad ng bawat isa ang tungkuling dapat ginagampanan at inaasahan natin mula sa mga nasa pamahalaan. Kaya naman kailangan ang pagiging mapagmatyag taumbayan sa pamahalaan—sinuman ang naluklok—upang maisakatuparan ang tungkulin ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, isang moral at espiritwal na tungkulin ang pakikilahok sa pamamahala. Katulad ng sinasabi sa Mga Gawa 5:29: “Sa Diyos kami dapat sumusunod, at hindi sa tao.” Sa kabila ng mga kabiguan at pagsasakitan sa nagdaang halalan, nawa’y mahanap natin ang lakas ng loob na isulong ang hangarin ng Diyos sa pamamagitan ng maayos na pamamahala. Patuloy tayong makilahok upang makamit natin ang pinapangarap nating makatao, makatarungan, at makatotohanang lipunan. Susi ang kritikal pakikilahok ng bawat isa sa atin sa pagpapanday ng lipunang ito, nanalo man o natalo ang kandidatong sinuportahan natin.