335 total views
Patuloy ang monitoring activities ng Diocese of Surigao sa mga suspendidong minahan dahil sa nakabinbing kautusan ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon kay Bishop Antonieto Cabajog, bumuo ang kanilang diocese ng monitoring team na magbabantay sa mga mining sites upang matiyak na hindi nito nilalabag ang kasalukuyang kautusan ng D-E-N-R.
Inihayag naman ni Bishop Cabajog na pabor ito sa pagpapasara ng mga minahan at pagpapaigting ng eco-tourism sa kanilang lalawigan.
“We can do alternatives and sa Surigao madaming natural resources na [maganda] sa eco-tourism, yun nalang sana ang mapaganda at ma enhance, mas maganda ang eco-tourism kasi ang Surigao kilala na na magandang puntahan,” bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, inihayag ng D-E-N-R na kasado na ang pagsusulong sa Green Economy ng Pilipinas.
Ayon kay Environment Sec. Gina Lopez sa pamamagitan ng DENR Administrative Order (DAO) No. 2017-08, matutuon ang programa ng lokal na komunidad sa pagsasaayos sa kanilang kapaligiran habang kumikita ang kanilang residente.
Dagdag pa ni Lopez, mas masusuportahan ng National Government ang programa ng local government sa pamamagitan ng Green Economy Models o GEMs kung saan ang mga residente ang gagawa ng sustainable goods at services para sa nasirang kapaligiran.
Batay sa Department of Tourism bagamat uumpisahan pa lamang ang pagpapalago sa green economy, ay nakalikha na ito ng 4.7 milyong trabaho mula sa turismo simula noong 2004.
Dahil dito, naniniwala si Bishop Cabajog na kung magpapatuloy ang magandang nasimulan ng ahensya ay maiaangat na ang buhay ng mga mahihirap na apektado ng pagmimina.
Samantala, unang nagkasundo ang pamahalaan at Simbahan na tuldukan na ang irresponsible mining sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/simbahan-pangulong-duterte-magkasundo-na-tuldukan-na-ang-irresponsible-mining/
Batay nga sa Laudato Si ni Pope Francis mapag-iibayo ang kabuhayan ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga imprastraktura sa bukid, pagsasa-ayos ng merkado sa lokal at pambansa, at pagtuturo ng mga bagong pamamaraan sa kabuhayan.