476 total views
Naniniwala ang isang Mindanao Bishop na tutungo sa martial law ang pagsusulong ng suspension ng writ of habeas corpus sa Senado na magdudulot ng warantless arrest.
Ayon kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, dapat nang matuto ang sambayanang Filipino sa nangyaring martial law at hindi na ito dapat na umiral pang muli sa bansa.
Inihayag ni Bishop Cabantan na hindi dapat hayaan ng mga Filipino na muling maranasan ng bagong henerasyon ang lagim at nakakatakot na batas militar sa bansa na naging dahilan ng maraming paglabag sa karapatang pantao.
“We have to learn the lesson during Martial Law and we do not want to experience that horrible thing again,”pahayag ni Bishop Cabantan sa Radio Veritas.
Nilinaw ng Obispo na personal siyang tumututol sa suspension of writ of habeas corpus dahil ayaw niyang mauulit pa ang mga paglabag sa karapatang pantao at mga involuntary disappearance.
“I disagree because even if it’s not martial law but that can lead to abuses as in the past with many desparacidos or many disappearances,”giit ng Obispo.
Sa datos ng Amnesty International, umaabot sa 70,000 katao ang nakulong, 34,000 naman ang na torture at 3,240 ang pinatay habang 1,838 ang biktima ng involuntary disappearances sa mahigit isang dekadang implementasyon ng martial law sa Pilipinas.