227 total views
Ikinababahala ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz ang mungkahi na suspendihin ang “Writ of Habeas Corpus na tutungo sa warrantless arrest.
Ayon kay Archbishop Cruz, malaking gulo ang idudulot nito dahil maaalis ang karapatan ng isang tao na ipagtanggol ang kanyang sarili bago siya mahatulang may kasalanan.
“Malaking gulo yan, because you presume somebody guilty unless proven otherwise. Ibig sabihin dapat everybody presumed innocent unless proven guilty, pero the spirit of this thinking now is that everybody is guilty until proven innocent. Medyo matindi yan, hindi biro yan,”pahayag ng Archbishop Cruz sa Radio Veritas.
Itinuturing naman ni Archbishop Cruz na “over-reacting” at may bahid pulitika ang panukala ni Senador Richard Gordon na palawigin pa ang sakop ng idineklarang national state of emergency sa pamamagitan ng suspension ng writ of habeas corpus.
Iginiit ng arsobispo na hindi makakatulong at lalong magpapagulo sa sitwasyon sa bansa ang panukala.
“I think it is some kind of overacting. Why all of a sudden there will be this suggestion, these move? Ang tingin ko perhaps all together wrong but the suggestion has political dimension. Im sorry may anggulong pulitika itong ganitong moves,” pagdududa ni Archbishop Cruz.
Sa datos ng Commission on Human Rights as of August 31, 2016 ay pumalo na sa 2,448 ang nasawi sa war on drugs ng pamahalaan.
Sa nasabing bilang, 930-katao ang napatay sa lehitimong police operations habang 1,507 ang napatay ng hindi pa kilalang attackers at 10-police naman ang namatay sa drug operations.