385 total views
Walang nakikitang dahilan ang Constitutionalist na si Atty. Christian Monsod para suspendihin ng Administrayong Duterte ang ‘writ of habeas corpus’.
Ayon kay Monsod, isa sa nag-draft ng 1987 Constitution, walang rebelyon na nangyayari at kung mayroon mang sinasabing ‘lawless violence’ para ito sa sinasabing extrajudicial killings na isinasailalim ngayon sa imbestigasyon.
Dagdag ng abogado, kung may butas man sa mga imbestigasyon, ito ay kapabayaan na ng Philippine National Police.
“I don’t see it, ang nakikita ko merun ngang ‘lawless violence’ pero yun eh in connection with enforcement sa killings na under investigation (vigilante), nagtataka lang ako not a single case nagkaroon ng successful investigation na nagsabi kung sino gumawa nun, not a single case has been solved parang kakulangan yun ng PNP,” ayon kay Monsod sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ni Monsod, hindi dahilan ang lawless violence para isuspinde ang writ of habeas corpus sa halip kung may banta ng rebelyon lamang.
“Sabi niya (Duterte) lawless violence, hindi na ngayon pwede magsuspend ng writ of habeas corpus kung sasabihin mo lawless violence, inalis nga namin yan, noong 1935 Constitution kasama yan for declaring martial law, or suspending the writ of habeas corpus, inalis din namin yung eminent danger thereof…“Yung habeas corpus yung rules ng Constitution diyan , is contained in 2 provision of the Constitution sa Bill of Rights sec 15, hindi pwede isuspend except in case of for rebellion or invasion or when the public safety requires it, maski na merung invasion or rebellion , sa sec 18 ng ating Konstitusyon nakalagay ulit yun, yung state of martial does not automatically suspend writ of habeas corpus, at saka it only applies to person judicially charge for rebellion or directly connected with invasion, within few days he must be charged or else dapat siya pakawalan.”
Pahayag naman ni Monsod, maaari namang suspendihin ang writ of habeas corpus sa isang lugar sa bansa na may banta ng rebelyon.
“Pwede mag-declare ng Martial Law or suspend the writ of habeas corpus pero di naman buong bansa pede dun sa areas lang na may banta at 60 days nakalagay sa constitution natin. Sa sec 18 article 7, 60 days lang and within 48 hrs need ng president na magreport in writing sa Congress, then ang congress without need of a call can either revoke it or upon request to the president may extend it, ang SC may review in a proceeding maski sinong citizen na mag file o petisyon na kinukuwestyon anong basehan ng suspension and SC must decide within 30 days,” ayon pa kay Monsod.
Sa ulat ng Philippine National Police, nasa higit 4,000 na ang napapaslang sa operasyon ng pamahalaan kontra iligal na droga habang higit sa 700,000 na ang sumukong drug addicts at pushers.
Una ng inihayag ng mga obispo ng Simbahang Katolika na dapat manatili ang pagrespeto ng pamahalaan sa karapatang pantao ng lahat ng mamamayan maging sa mga itinuturing na kriminal na may karapatang magbagong-buhay.