126,139 total views
Kapanalig, kadalasan kapag sustainable development ang usapan, pera ang unang pumupunta sa ating isip. Para sa marami sa atin, ang tuloy tuloy na pagpasok ng pera sa ating kabang bayan ang kahulugan ng sustainable growth.
Malaking pagkakamali ito, kapanalig. Sa katunayan, ang pagkatutok sa pera ang isa sa mga dahilan kung bakit sira na ang ating likas yaman, at ng paghihingalo ng ating nag-iisang planeta. Malayo ito sa tunay na kahulugan ng sustainable development, na ayon sa United Nations ay ang pag-unlad na tumutugon sa mga pangangailangan ng kasalukuyan nang hindi nako-kompromiso ang kakayahan ng mga susunod na henerasyon na matugunan ang kanilang sariling mga pangangailangan.
Sa takbo ng ating mundo ngayon, nautang na natin ang resources ng susunod na henerasyon. Mayroon nga tayo ngayong tinatawag na Earth Overshoot Day – ang araw sa isang taon kung kailan nauubos na agad natin ang resources na dapat nating ikonsumo sa isang taon. Ang August 2 kapanalig, ay ang araw na ito kada taon. Pagdating ng petsa na ito, karaniwang said na agad natin ang yaman na kayang -regenerate ng ating planeta sa isang taon at nag lilikha tayo ng basura na hindi na kayang i-absorb pa ng ating nag-iisang mundo. Kapag lagi tayong may overshoot kada taon, siguradong mapapabilis at mapapalakas pa ang mga epekto ng climate change, na ngayon nga ay hirap na hirap na nating harapin.
Ayon sa United nations, kung seryoso nating nais na matamo ang sustainable development, kritikal na ating epektibong mapagsama ang tatlong mahalagang elemento: ang economic growth, social inclusion, at environmental protection. Ang mga ito ay magkaka-ugnay, at kapag ating pinaghiwalay, ang kasulungan ay bitin, at hindi long-lasting.
Ang sustainable development, kapanalig, ay ukol sa katarungan, sa environmental justice. Ito rin ay ukol sa ating tungkulin bilang mga stewards of creation, isang task o gawain na direktang binigay sa atin ng Panginoon magmula ng sabihin Niya kay Adan sa Genesis 1:28 na: Fill the earth and subdue it. Rule over the fish in the sea and the birds in the sky and over every living creature that moves on the ground.
Ang tungkulin na ito ay mahalaga. Katuwang ito hindi lamang ng kinabukasan ng tao o ng mundo, kundi pati ng ating esensya bilang anak ng Tagapaglikha. Ang pagsira natin sa ating nag-iisang mundo ay pagkasira din ng ating pagkatao. Sabi nga sa Caritas in Veritate: The environment is God’s gift to everyone, and in our use of it we have a responsibility towards the poor, towards future generations and towards humanity as a whole. At ayon din sa Laudato Si: kailangan nating makita na ang dignidad natin ang nakataya dito.
Sumainyo ang Katotohanan.