140,458 total views
Kapanalig, ang sustainable transport ay mahalaga para sa ating kalikasan, kalusugan, at kinabukasan.
Marami sa atin, excited na excited na magka kotse o magka motor – o kahit scooter man lang. malaking accomplishment para sa marami sa atin ang pagkakaroon ng sasakyan – bahagi ito ng pagpupundar natin ng mga kagamitan. Kapag may sasakyan tayo, pakiramdam natin ay may napupuntahan ang ating pera.
Kaya lamang kapatid, ang pagkakaroon ng sasakyan ay may mga trade-offs din. Unang una, mahal ang gas at diesel. Tuloy tuloy ang pagtaas ng presyo nito hindi lamang sa loob ng bansa, kundi sa pandaigdigang merkado. Liban sa presyo, puro fossils din ang gas at diesel, mga langis na nagpapadami hindi lamang ng polusyon, kundi emisyon sa ating kalawakan na nagdudulot ng climate change. Tinatayang mahigit 5.4 million na ang bilang ng mga sasakyan sa Pilipinas. Napakarami nito, at napakabigat ng kapalit ng pagdami ng mga sasakyan sa ating bansa. Climate change ang katapat, kapanalig.
Kaya lamang, kadalasan walang choice ang mga Pilipino kundi gumamit ng sasakyan. Ang public transport kasi sa ating bansa ay maihahalintulad minsan sa American ninja – kapag swerte ka, nakasabit ka, kapag hindi naman, habol ka na lang ng habol sa jeep kahit mahulog o magkanda-dapa dapa ka pa. Minsan naman, nahahalintulad ang public transport natin sa blockbuster sa takilya. Kay haba ng pila sa mga train stations at bus terminal, last full show na, hindi ka pa rin makapasok.
Malinaw kapanalig, na hindi sustainable ang transport sa ating bansa. Ang mga elemento ng sustainable transport, gaya ng mababa o zero emissions, matipid sa enerhiya, gumagamit ng electric o alternative fuels, at abot kayang presyo, ay absent o halos wala sa mga pribado at pampublikong sasakyan ng ating bansa. Kahit moderno pa at malalaki ang mga sasakyan sa lansangan natin ngayon, kakarampot lamang ang gumagamit ng clean energy, halos lahat ay oil-guzzling o matakaw sa krudo.
Kapanalig, ang maayos na transportasyon ay tinutulungan tayong lahat magkaroon ng produktibong buhay. Ang sustainable transportation ay nagtitiyak na ang produktibong buhay ay hindi lamang malalasap ng kasalukuyang henerasyon, kundi ng mga susunod pang henerasyon. Ang sustainable transportation ay isang “common good” na dapat nating pangalagaan. Ayon nga sa Compendium of the Social Doctrine of the Church (166), ang transportasyon ay kasama sa mga “common good” na integral sa kasulungan at katuparan ng karapatan ng tao at ng kanyang kaganapan bilang anak ng Diyos. Sa kondisyon ng ating transport sector ngayon, parang tinatanggal pa nito ang dignidad ng mga tao sa araw-araw na kalbaryo hindi lamang sa traffic, kundi sa paghahabol na rin sa mga public transportation na kahit maka-upo ng maayos ay hindi man lang natin magawa. Kapanalig, kailangan ng revamp ng ating transport sector – hindi upang ma-phase out ang mga jeeps at jeepney drivers, kundi upang maging tunay na sustainable at makatao ito para sa lahat ng mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.