587 total views
Pumanaw na si Apostolic Vicariate of San Jose, Occidental Mindoro Bishop Antonio Palang nitong Abril 21, 2021. Batay sa social media post ng SVD Philippines, nasawi sa cardiac arrest ang 74 na taong gulang na obispo umaga ng Miyerkules.
Matatandaang Marso 2018 nang tanggapin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagbitiw ni Bishop Palang bilang pinunong pastol ng bikaryato sa edad na 71 taong gulang o apat na taon bago maabot ang mandatory retirement age ng mga obispo na 75 taong gulang.
Si Bishop Palang na ipinanganak noong Hunyo 13, 1946 sa Consolacion Cebu ay inordinahang pari sa ilalim ng Society of the Divine Word noong Hulyo 8, 1972.
Hunyo 2000 nang italaga si Bishop Palang ni Pope John Paul II bilang paring tagapangasiwa ng Apostolic Vicariate ng San Jose sa Mindoro kasunod ng pagliban ni Bishop Vicente Manuel hanggang tuluyan na itong magbitiw noong Oktubre 2000.
Marso 2002 nang pormal na itinalagang obispo sa bikaryato habang Mayo 31, 2002 inordinahan at opisyal na iniluklok bilang bagong obispo ng Occidental Mindoro. Nang magbitiw noong 2018 muli namang itinalaga ni Pope Francis si Ilagan Bishop David William Antonio bilang obispong tagapangasiwa sa Apostolic Vicariate ng San Jose.
Sa kasalukuyan lima pa ang nanatiling sede vacante sa bansa ang Arkidiyosesis ng Capiz, Diyosesis ng Alaminos at Malaybalay at ang Apostolic Vicariate ng San Jose sa Mindoro at Taytay sa Palawan.