809 total views
Naniniwala ang opisyal ng Cebu Archdiocesan Commission on the Laity na mas lalago ang Simbahan sa isinagawang Synod on Synodality.
Sa panayam ng Radio Veritas kay LayKo Cebu Chairperson Fe Barino, sinabi nitong mahalagang mabigyang pagkakataong mapakinggan ang iba’t ibang sektor ng lipunan bilang bahagi ng Simbahan.
Ayon kay Barino sa pamamagitan ng sinodo mas mahimok pa ang mamamayan na makiisa sa misyon ng simbahan.
“There’s really hope na kung kini sila (layko) tagaan ug voice, tagaan ug chance to participate molambo gyud ang atong simbahan; this is very important voice o mga sentiments that we need to listen to encourage them to participate in the mission of the church,” pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Puspusang isinagawa ng Archdiocese of Cebu ang synod on synodality sa 270 mga parokya at iba’t ibang sectoral groups na layong pakinggan ang kanilang hinaing at mungkahi sa simbahan.
Ibinahagi ni Barino na ikinagalak ng mga sectoral groups na kanilang binisita ang isinagawang sinodo sapagkat paiigting nito ang kani-kanilang talento na makatutulong sa simbahang katolika at sa mananampalataya.
“They feel that they are really part of the church. I am happy at ngayon ko lang na-realize na marami pala at iba-iba ang mga gift ng bawat tao that are very important to the life of the church and these are the lay people,” saad ni Barino.
Bilang pakikiisa sa panawagan ni Pope Francis na paghahanda sa Synod of Bishops sa 2023 na binuksan noong October 2021, bumuo ng grupo ang arkidiyosesis na mangangasiwa sa synodal consultations sa pangunguna ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones kasama si Barino at ilang pari at relihiyoso.
Layon ng synodal journey na makalikha ng preparatory document na isusumite sa Vatican upang talakayin sa pagtitipon ng mga obispo sa susunod na taon.
Igiiit ni Barino na ang inilunsad ni Pope Francis na Synod on Synodality ay maituturing na eye-opener upang lawakan ang pakikibahagi sa simbahan ng mga layko bilang iisang katawan ni Kristo.