555 total views
Ibinahagi ng Archdiocese of Cebu Commission on the Laity na mas nagbuklod ang iba’t ibang mandated religious organizations sa isinagawang synodal consultations.
Ayon kay LayKo Cebu Chairperson Fe Barino nagdulot ng pagkakaisa sa mga lingkod ng simbahan ang konsultasyon na makatutulong sa pagpapaunlad ng paglilingkod sa kawan ng Panginoon.
“One good thing happened lalo dito sa Archdiocese of Cebu as far as the lay people are concerned, we have organized all lay organizations under the Commission on the Laity, we group them into councils,” pahayag ni Barino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Barino na naging magandang bunga ng synodal consultations pagbuklod buklod ang iba’t ibang grupo at higit napakinggan ang mga mungkahi para sa ikabubuti ng paglilingkod sa simbahan.
Isa si Barino sa kasapi ng Cebu Archdiocesan Synodal Team na nangangasiwa sa konsultasyon sa mga parokya at mga sektor ng lalawigan.
Kabilang sa pinakinggan ng grupo ang mga uring manggagawa kabilang na ang mga mangingisda at magsasaka, mga nasa larangan ng sining at teatro, gayundin ang LGBTQ+ community.
Pinuri ni Barino ang hakbang ni Pope Francis na Synod on Synodality sapagkat nabigyang pagkakataon ang mga maliliit na grupo sa pamayanan na mapakinggan ang kanilang mungkahi sa simbahan.
Sa darating na June 14 isasagawa ng arkidiyosesis ang Metropolitan Synodal Consulatations kasama ang suffragan dioceses ng Dumaguete, Maasin, Tagbilaran at Talibon na gaganapin sa IEC Convention Center sa Cebu.
Layunin ng pagtitipon na mabalangkas ang synthesis mula sa mga diocesan consultations at maipasa para sa national synodal conventions.
October 2021 nang ilunsad ni Pope Francis ang Synod on Synodality bilang paghahanda sa Synod of Bishops na gagawin sa October 2023 sa Vatican.