497 total views
Nagdulot ng pagbubuklod ng pamayanan ang ginanap na synodal consultations.
Ito ang ibinahagi Archdiocese of Zamboanga Administrator Bishop Moises Cuevas sa Radio Veritas hinggil sa isinagawang Synod on Synodality ng arkidiyosesis.
Ayon sa Obispo, mas lumawak ang pagkakapatiran sa pagitan ng mga kristiyano at muslim at higit nailapit ang simbahan sa bawat komunidad.
“One of the outcomes sa synodal process ay ang pagkakaisa ng mga mamamayan, they appreciated the process which is prayerful; they were very happy to be listened, to be invited and part of the consultation,” pahayag ni Bishop Cuevas sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Cuevas na napagaan at napabilis ang proseso ng synodal consultations ng Zamboanga sapagkat bumuo ito ng 480 note takers at facilitators na nangasiwa sa konsultasyon sa bawat parokya.
Lumikha din ng Synodal Process Archdiocesan Manual (SPAM) ang arkidiyosesis na naging batayan ng mga facilitators habang bumuo rin ng Synodal Process Parish Team (SPPT) na bumibisita sa mga Basic Ecclessial Communities ng bawat parokya.
Inihayag ni Bishop Cuevas na umabot ng 5,017 ang mga lumahok sa konsultasyon kabilang na ang mga muslim, uring manggagawa, LGBTQ community, at iba’t ibang sektor ng sakop ng arkidiyosesis.
“After the consultations we will continue to meet and keep contact of these sectors para sa iba pang mga pagtitipon na ating gagawin,” ani Bishop Cuevas.
Iniulat pa ng obispo na nagamit din na pagkakataon sa voter’s formation ang synodal consultations gayundin ang paghahatid ng tulong sa mga nasasakupang komunidad.
Sa kasalukuyan nakalikha ng synthesis ang arkidiyosesis mula sa mga synodal consultations na gagamitin naman sa isasagawang pre-synodal diocesan meeting sa May 28.
Ang Synod on Synodality na inilunsad ni Pope Francis noong October 2021 na hinati sa diocesan phase, episcopal conference phase, continental phase at universal phase sa gagawing Synod of Bishops sa October 2023.