451 total views
Inilarawan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang sama-samang paglalakbay bilang magkakapatid sa pagtitipon ng Asian bishops sa Federation of Asian Bishops Conference.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos ng CBCP – Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filippino, naisabuhay sa pagpupulong ang Synodality ng Kanyang Kabanalan Francisco ang paksang pinagtutuunan ng mga obispo sa Asya.
“This general conference of FABC at 50 years is indeed a Synodality in action, our collegiality in practice. We feel as one family, walking together as one for well-being of the Church and working hand in hand under the vision and mission of our Holy Father, Pope Francis,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng obispo na tampok sa mga talakayan ang pagpapaigting ng simbahan sa paglilingkod sa mananampalataya sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng lipunan.
Tema sa ika – 50 anibersaryo ng FABC ang “Journeying together as peoples of Asia … then they went another way” na naglalarawang bagamat magkaiba ang hamong kinakaharap ng simbahan ng bawat bansa ay mahalaga ang pagbubuklod tungo sa mas matibay at maunlad na pananampalataya.
Ibinahagi ni Bishop Santos na 270 opisyal ng simbahan ang dumalo sa pagtitipon kung saan 200 dito ay mga obispo at 17 ang mga cardinal mula sa 29 na bansang kasapi ng FABC.
Una nang sinabi ng CBCP na tatalakayin nito sa pagpupulong ang resulta ng isinagawang synodal consultations sa 86 na mga diyosesis sa bansa.
Ginaganap ang FABC General Conference sa Archdiocese of Bangkok sa Thailand mula noong October 12 hanggang October 30.
Pinangunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – pangulo ng CBCP ang delegasyon ng Pilipinas kasama ang mga opisyal ng permanent council.
Itinatag ang FABC noong 1970 kasunod ng pagdalaw ni Pope, St. Paul VI sa Pilipinas na nasaksihan ang buhay na pananampalataya sa Asya lalo na ng mga Pilipino.