455 total views
Kinilala ni Missiologist-priest Father Stephen Bevans, SVD ang synodality bilang konkretong hakbang ng simbahan sa pakikipagdayalogo.
Sa International Missiology Symposium sa ikalawang araw ng National Mission Congress (N-M-C) binigyang diin ni Fr. Bevans ang kahalagahan ng dayalogo sa pagmimisyon ng simbahang katolika.
Naniniwala ang pari na makatutulong sa simbahan ang sinodo na isinusulong ni Pope Francis sapagkat pagkakataon itong mapakinggan ang lahat ng sektor ng lipunan.
“I believe synodality is a complete exercise of prophetic dialogue; it is a process, based on dialogue, listening, and real encounter that needs to take place in every sector of the church as the church makes decisions,” bahagi ng pahayag ni Fr. Bevans.
Binigyang diin ng pari na ang pagmimisyon ay isang pakikipag-ugnayan sa pamayanan, pakikipagkapwa at higit sa lahat paghahanap ng kanlungan ng bawat isa.
Aniya malaking gampanin ng simbahan na abutin ang bawat nasasakupan lalo na ang mga maralita sa lipunan.
“The new direction of mission is not geographical at all but most importantly it is a move toward people especially those on peripheries,” ani Fr. Bevans.
Ang National Mission Congress na binuksan noong April 17 ay pinakatampok sa pagdiriwang ng bansa sa 500 Years of Christianity at pagtatapos sa Year of Missio Ad Gentes.
Pangungunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang closing mass ng N-M-C sa April 24, Divine Mercy Sunday sa alas 10:30 ng umaga na susunda ng send-off ceremony.
Bukod sa mga opisyal ng CBCP makikibahagi rin sa pagdiriwang si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.