515 total views
Inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na naunang isinabuhay nina Apostol San Pedro at San Pablo ang synodality.
Ayon sa cardinal, kapwa isinabuhay ng dalawang banal ang misyon ni Hesus kaya’t itinuring itong pundasyon ng simbahang katolika.
Ito ang ibinahagi ng arsobispo sa misang ginanap sa Sts. Peter and Paul Parish sa Makati City sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
“Truly, one can say that our patrons Saints Peter and Paul, were men of synodality. They walked with the church. They were pioneers of the church on the move, the church in mission,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ipinaliwanag ng cardinal na sa kabila ng kahinaan nina Apostol Pedro at Pablo ay buong kababaang loob itong sumunod sa tawag ng Panginoon na maglingkod sa kawan na ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
Si San Pedro ang pinagkatiwalaan ni Hesus sa simbahang magbubuklod sa mananampalataya habang si San Pablo naman ang tagapagpahayag ng Mabuting Balita sa iba’t ibang dako ng daigdig.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang mananampalataya ng parokya sa pangunguna ni Msgr. Gerardo Santos na isabuhay ang tema ng kapistahan na ‘SAMPIRO in Synodality, Here comes everybody’ upang patuloy na paglingkuran ang nasasakupang mananampalataya.
“Let the theme of the fiesta be your guide as you continue the work of the new evangelization. Journey together in the catechetical life of the parish in particular, the work of catechesis in different public schools in the parish and journey together in the service of the poor,” pahayag ng cardinal.
Ikinagalak ni Cardinal Advincula ang patuloy na pagyabong ng pananamapalataya ng parokya sa nakalipas na 400 taon mula nang itatag ng mga misyonerong Heswita ang simbahan noong 1620.
Bukod kay San Pedro at San Pablo itinalaga ring patron ng parokya ang Virgen de la Rosa de Makati na ipagdiriwang ang kapistahan sa June 30.
Batid ng opisyal ang magandang halimbawa ng mga patron ng parokya na magiging gabay sa bawat mananampalataya sa pagsasabuhay sa misyon ng Panginoon lalo’t ang Virgen de la Rosa de Makati ang tinaguriang patron ng Makati City.
Ang Sts. Peter and Paul Parish ay isa sa 93 parokya ng Archdiocese of Manila na pinangangasiwaan ni Cardinal Advincula.