3,053 total views
Binabantayang mabuti ng Office of Civil Defense (OCD) ang kalagayan Bulkan Mayon sa Albay at Bulkang Taal sa Batangas kasunod ng pagtaas sa mga aktibidad nito.
Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, inatasan na ang regional civil defense offices at disaster risk reduction and management (DRRM) councils upang tiyakin ang paghahanda sakaling lumala ang sitwasyon ng mga bulkan.
“This is standard procedure for the OCD as we continue to ensure that local governments are onboard and ready for any contingency.” pahayag ni Nepomuceno.
Muli namang hinikayat ni Nepomuceno, na siya ring executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang publiko na sundin ang mga paalala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) lalo na sa mga pamayanang nakapaligid sa Bulkang Mayon at Taal.
Kabilang na rito ang pag-iwas sa pagpasok sa mga lugar na nakapaloob sa permanent danger zones, at pagkakalantad sa mga ibinubugang sulfur dioxide na nagsasanhi ng volcanic smog o vog na mapanganib sa kalusugan.
“Though there is no imminent threat of a major eruption coming from Taal and Mayon, as seen in the latest bulletins of PHIVOLCS, our mandate to proactively prepare for these possible hazards dictates that preparations continue to prevent casualties and other damages.” saad ni Nepomuceno.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon at nakapagtala ng dalawang volcanic earthquakes at 46 rockfall events sa nakalipas na 24-oras.
Habang nakataas pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal na nakapagtala naman ng isang volcanic tremor at patuloy na nagbubuga ng vog.
Una nang nanawagan sa publiko ang Diocese of Legazpi at Archdiocese of Lipa na paigtingin ang paghahanda, at patuloy na manalangin ng Oratio Imperata para sa paggabay at kaligtasan ng lahat mula sa mga aktibidad ng Bulkang Mayon at Taal.