821 total views
Kapanalig, ramdam na ang paparating ng tag-init, at kasama nito, ang inaasahang pagdami ng mga local at international tourists sa ating bansa. Kamusta na nga ba ang industriya ng turismo sa Pilipinas?
Ang industriyang ito ay kinikilalang malaking source ng revenues o kita ng ating bansa. Ito rin ay nakakapag-generate ng trabaho sa marami nating mga kababayan at nadadagdag sa ating dollar reserves.
Nitong Disyembre 2016, tila nanghina ang industriya. Base sa datos ng mismong Department of Tourism (DOT), umabot ng Php19.38 billion ang visitor receipts. Mataas man ito, mas mababa pa rin kaysa noong 2015 kung saan umabot ng Php23.47 billion noong parehong buwan. Kahit pa ganito, tumaas naman kapanalig, ang bilang ng mga turista sa bansa. Noong Disyembre 2016, umabot ng 576,638 na turista ang dumating sa bansa, mas mataas pa noong Disyembre 2015 kung kailan mga 553,002 turista ang dumating sa atin.
Marami tayong kailangang gawin upang mas mamayagpag pa ang industriya na ito sa ating bansa. Unang-una, kailangang maisa-ayos ang peace and order situation. Kapanalig, ang magulong pulitika, ang mga balita ng extra judicial killings, pati na ang mga kidnappings ay malalaking dagok sa industriya ng turismo ng kahit anong bansa. Sa halip na mayakag ang mga bisita, natatakot pa sila ng mga ito. Hindi lamang mamumuhunan ang naitutulak palabas ng mga salik na ito, pati mga turista.
Ang estado rin ng ating mga imprastraktura ay maaring maka-apekto sa paglago ng ating tourism industry. Ang airport, kapanalig, ay isang malaking salik dito. Kapag accessible, ka-aya-aya at maayos ang mga paliparan ng bansa, mas magiging maalwa at masaya ang pagbisita ng mga turista. Ang ating mga lansangan, ang traffic, ang transport—ito ay ilan lamang sa mga sangkap na malaki ang epekto sa turismo.
Ang kalagayan din ng ating mga tourist spots ay kailangang mas pangalagaan pa. Ang kanilang sustainability, kapanalig, ang dapat nating isa-alang-alang. Ngayon, maganda pa sila at ka-aya-aya. Ngunit kung sila’y ating pababayaan, maaring masira sila at tuluyang mawala. Isipin natin kapanalig, ang kapasidad ng ating mga tourist spots, gaya ng Coron sa Palawan o Boracay sa Aklan. Kaya ba ng mga lugar na ito ang dami ng mga turista, lalo na ngayong tag-init? Anong paghahanda ba ang ginagawa ng mga local na gobyerno upang masiguro hindi lamang ang kaayusan ng sitwasyon ng turista kundi pati ang sustainability ng mga tourist spots na ito? Nagtutulungan ba nga ang public at private sectors upang pangalagaan ang ating mga pinagmamalaking mga lugar?
Ilan lamang ito, kapanalig, sa ating mga dapat bigyang pansin upang mas umayos pa ang turismo sa ating bansa. Ang ganansya ng industriya ay ganansya ng buong bayan, kaya’t dapat itong pangalagaan. Higit sa lahat kapanalig, tao at kalikasan kasi ang sakop nito, at lahat ng ito ay dapat bigyan ng natatanging proteksyon.
Kapanalig, ang pangangalaga sa kapakanan ng tao at ng kalikasan ay sagradong gawain. Tanggapin natin ang hamon mula sa Populorum Progreso, na nagsasabi na ang lahat ng nilikha ay para sa sangkatauhan. Responsibilidad nating lahat na gamitin at pagyamanin ito sa mapanuri at mabuting paraan.