250 total views
Kapanalig, opisyal ng nadeklara ng PAGASA ang tag-ulan sa ating bayan. Ang tanong, handa na ba kayo?
Nitong mga nakaraang araw kung kelan sunod sunod na ang pagbuhos ng ulan, traffic ang ating unang nararanasan, lalo na sa mga urban areas, particular sa Metro Manila. Hindi na ito bago, ngunit hindi naman nangangahulugan na wala tayong dapat gawin.
Kung ating mapapansin, kapanalig, sa dinami dami ng mga sasakyan sa Metro Manila, marami pa rin ang mga taong naglalakad at nagco-commute. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang populasyon sa NCR ay nasa 11.9 million as of July 2013. Mga 5.26 milyon dito ay nasa labor force at 4.71 milyon naman ang may trabaho.
Isa sa mga pangunahing mode of transport ngayon ay mga tren ng LRT 1 and 2 at ang MRT. Ayon sa isang pag-aaral mula sa JICA at NEDA, mga 1.35 milyon ang pasahero nito kada araw noong 2012. Kapanalig, ang biyahe, nito, kahit hindi pa rush hour, ay laging puno.
Ang mga pribadong sasakyan naman, kapanalig, marami rin. Tinatayang nasa 2.5 milyong sasakyan ang umiikot sa NCR kada araw. Ang bilang na ito ay nadadagdagan pa. Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, ang benta ng mga passenger cars ay tumaas ng 87% mula 2012 hanggang 2014. Nitong 2016, tumaas pa ito ng 27.8% ang Janaury 2017 sales kumpara noong January 2016.
Ang dami ng mga sasakyan at pasahero sa ating mga kalye, lalo na sa mga syudad, ay senyales ng pag-angat ng maraming bayan at lugar sa bansa. Dito, makikita natin na buhay na buhay ang merkado. Ang traffic, kapanalig, at ang sikip sa mga uri ng transports sa ating bansa, sa isang banda, ay repleksyon naman ng kakulangan natin sa pagpapamalakaya ng yaman ng bansa. Hindi sumasabay ang imprastraktura sa paglago ng tao, kaya sa ngayon, ito na mismo ang naghihila pababa sa marami nating mga negosyo at trabaho. Ayon nga sa isang pagsusuri ng JICA noong 2014, mga P2.4 billion ang nawawala sa ating kaban kada araw dahil sa traffic. Paano pa kaya ngayong tag-ulan at nagbabanta na ang baha?
Samahan natin si Pope Francis, sa kanyang Evangelii Gaudium, sa pagdadasal na nawa’y maramdaman din ng ating mga pinuno ang hirap ng araw araw na kalbaryo ng traffic at pila sa mga mass transport system ng maraming mga Pilipino: I beg the Lord to grant us more politicians who are genuinely disturbed by the state of society, the people, the lives of the poor! (Nagmamaka-awa ako sa ating Panginoon na bigyan tayo ng mas maraming mga politikong tunay na nakaka-ramdam ng estado ng lipunan, ng mga tao, ng buhay ng maralita).