187 total views
Mahigit sa 20,000 pamilyang residente ng Marawi City ang hindi pa rin nakakabalik sa kanilang tahanan, isang taon makalipas na ideklara ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘Liberation of Marawi’.
Ito ayon kay Marawi Sultan Abdul Hamidulan Atar ng Reconciliatory Initiatives for Development Opportunities Incorporated (RIDO Inc.).
“What we are expecting from the Government duon sa promises nila for rehabilitation ay hindi pa nila nasimulan. At in fact the tent city o temporary tent na ibinigay sa IDP’s are intended for 6-months subalit naghihirap kami for more than a year,” ayon kay Sultan Atar sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Sultar, naiinip na ang mga residenteng ito na mula sa ‘ground zero’ o mula sa 24 na barangay na labis na naapektuhan ng limang buwang digmaan sa pagitan ng mga sundalo at Maute-ISIS terrorist.
“So, kung tatanungin kami kung kamusta kami unang-una hindi kami masaya dahil wala pang ground breaking. Eleven times ng napostpone ‘yung groundbreaking,” ayon pa kay Sultan Atar.
Sa datos, 80 porsiyento ng mga internally displaced people (IDP’s) ay home based o naninirahan sa kanilang kaibigan at kaanak habang ang 20 porsiyento naman ang nanatili sa mga maliliit na evacuation centers na nakadisenyo lamang para sa 6-buwang pananatili ng mga nagsilikas.
Nangangamba na rin si Sultan Atar sa mga nasa Evacuation Centers lalu’t may mga ulat na nagkakasakit ang mga bata at kababaihan dahil na rin sa kanilang kalagayan sa pansamantalang tirahan.
Una na ring itinatag ang Duyog Marawi na pinangunahanan ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña kasama ang mga kapatid Muslim at Aid to the Church in Need Philippines para maging katuwang sa pagtulong sa mga biktima ng digmaan sa Marawi City.
Sa datos, higit sa 300,000 ang bilang ng mga naapektuhang residente sa nakalipas na digmaan na nagbunsod din sa patuloy na umiiral ng ‘Martial Law’ sa buong Rehiyon ng Mindanao.