353 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay, 05 May 2022, Jn 6:44-51
Noong nakaraang Martes ipinagdiwang ng simbahang Katolika ang kapistahan nina San Felipe at Santiago Menor, dalawa sa orihinal na labindalawang apostol. Dapat sana noon binasa ang narinig nating kwento sa unang pagbasa natin ngayon—tungkol sa pagmimisyon ni Apostol San Felipe.
Ayon sa kuwento, narinig daw ni San Felipe na nagbabasa ang isang tao mula sa propeta Isaias habang nasa biyahe siya at nakasakay ng karuwahe. Ang taong ito ay isang Africano, galing sa bansang Ethiopia, pero sumamba daw siya sa Jerusalem; Ibig sabihin Hudyo rin siya. Ayon sa tradisyon, ang Reyna ng Sheba na tagahanga ni Haring Solomon ang nagdala pananampalatayang Hudyo sa Ethiopia.
Maganda ang entrada ni San Felipe para magkausap sila habang daan. Tinanong daw niya ang Africano, “Naiintindihan mo ba ang binabasa mo?” At ang sagot ng Africano ay, “Paano ko maiiintindihan kung walang magtuturo sa akin?”
Ang binabasa niya ay isa sa pinakamahirap na kabanata sa komposisyon ng propeta—ang chapter 53, tungkol sa tinatawag na “Tagapaglingkod ng Diyos” na ang katulad daw ay isang “tupang tahimik na dinala sa katayan, pinagkaitan ng katarungan, hinuli, hinatulan, hinamak at pinatay, kahit walang kasalanan.” Sabi pa ng kasunod na talata, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matapat na lingkod ay marami ang maitutuwid, at magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan.”
Naranasan nyo na ba ang magbasa sa Bibliya, at parang ang lakas ng dating sa iyo ng binabasa mo? Palagay ko, ganito ang nararamdaman ng Africanong kausap ni San Felipe. Siyanga pala, “Eunuko” ang tawag sa mga katulad niya na utusan sa korte ng Reyna ng Ethiopia.
Noong mga panahon na iyon, may mga lalaking, sa hindi nila kagustuhan, ay pilit na pinalalaki upang kumilos at mabuhay bilang babae at hindi bilang lalaki. Ibig sabihin, mula pa sa pagkabata inilalayo na sila sa pamilya nila, at kinakapon sila na parang aso para burahin ang sekswalidad nila at ginagawang mga yaya ng mga royal family. Para silang hindi tao. Hindi sila bading; sila’y kusang binading. Pero required na magbasa at sumulat dahil naglilingkod sa palasyo. Ang buhay ng mga eunuko ay batbat ng pasakit at kaapihan. Kaya siguro ang eunuko sa ating kuwento ay nagbabasa ng Bibliya. Naghahanap siya ng kahulugan sa buhay niya.
At sa mismong sandaling iyon, Si San Felipe ang ipinadala ng Diyos sa kanya upang turuan siyang humugot ng kahulugan na magbibigay liwanag sa madilim niyang buhay. Palagay ko iyon din naman ang dahilan kung bakit marami pa rin ang followers ng Misang ito sa online. Hindi naman para makinig sa akin, kundi siguro dahil may nakukuha kayong liwanag sa Salita ng Diyos.
Sa ating ebanghelyo, sinasabi ni Hesus, “Nasusulat sa mga propeta, silang lahat ay tuturuan ng Diyos.” Ganito ang paboritong larawan ng mga Hudyo tungkol sa Diyos—isang Guro. Kaya ang tawag sa unang limang aklat ng Bibliya ay TORAH. Ewan ko ba kung bakit kapag Tinatagalog ito, ang translation ay BATAS. Sa orihinal na kahulugan nito, mas malapit ang TORAH sa salitang Tagalog na TURO.
Sa tingin ko ang background ng sinasabi ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay ay galing sa Torah, sa Aklat ng Deuteronomio 8. Sa verse 3, sabi ng manunulat, “Hinayaan niya kayong dumanas ng gutom sa disyerto, at pagkatapos, pinakain niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman, maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa niya ito upang ITURO sa inyo na ang tao ay hindi lang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Panginoon.”
Kaya ang tinutukoy ni Hesus na “tinapay ng buhay”, ang “kakanin sa araw-araw” na dapat daw nating ipagdasal na tayo’y pagkalooban ng Ama natin, ay walang iba kundi ang kanyang Salita. Sa umpisang-umpisa pa lang ng ebanghelyo ni San Juan, ipinakilala na kaagad ang Salita na lumikha sa mundo mula pa noong simula. Na ang Salita mismo ay Diyos, at ito’y nagkatawang-tao kay Hesus.
Siya ang Lingkod ng Diyos na ipinaliwanag ni San Felipe sa Africanong sinabayan niya sa paglalakbay at tinuruan niya. Siya ang pagkaing galing sa langit. Kaya siguro pag naririnig natin, nabubuhayan tayo ng loob, nakakasilip ng pag-asa, napapawi ang gutom. Kapag kinain natin siya, binabago niya tayo, ginagawa tayong katulad ng Lingkod ng Diyos—handang maghandog ng sariling buhay para sa kaligtasan ng marami, lalo na ng mga nalilihis ang landas.