470 total views
Homily for Jan 09, 2021, Feast of Christ, the Eternal High Priest, Jn 17:1-2,9,14-26
Ang araw ng Huwebes pagkatapos ng Pentekostes ay Feast of Christ the Eternal High Priest. Ito sana ang araw na mas bagay i-celebrate ang popular devotion sa Nazareno.
Nabanggit ko ito sa aking homily noong Jan 9, 2020 tungkol sa Nazareno. Nasabi ko noon na matagal ko nang itinatanong kung bakit tinatawag siyang “Nuestro Padre Jesus Nazareno”. Sa Espanyol, ang ibig sabihin ng “Nuestro Padre” ay Aming Ama. Naitanong ko nga ito minsan sa isang deboto: “Hindi kaya dapat ‘Nuestro Hermano’ Jesus Nazareno(Aming Kuya) imbes na nuestro padre? Anak siya ng Diyos at tinuruan niya tayong tumawag sa kanyang Ama bilang ating Ama, kaya kuya natin siya.”
Sagot niya, “E kasi ho, PARI siya, di ba? Ano ba ang tawag namin sa mga pari kundi PADRE?” Napaisip tuloy ako, ang Tagalog nga naman natin para sa salitang Espanyol na “sacerdote” ay PARI. At ang “pari” ay galing sa PADRE. PADI sa Bisaya or PADS, sa Guam ay PALE, at sa Tagalog PARI.
Hindi pala “Aming Ama o Tatay Hesus Nazareno” ang dapat maging translation ng Nuestro Padre Jesus Nazareno kundi “Aming Pari, Hesus Nazareno.” Magandang reminder ito na iisa lang ang Pari natin, at tayong lahat, sa pamamagitan ng binyag ay nakikiisa sa Pagkapari ni Kristo. Ito ang tinatawag sa Vatican II na “Common Priesthood of the Faithful”.
Sa araw na ito magandang pagnilayan, PAANO TAYO NAKIKIBAHAGI SA PAGKAPARI NI KRISTO?
Nabanggit ko na, na SACERDOTE ang tawag sa Espanyol sa mga sinaunang pari. Galing naman sa Latin na SACERDOS: a sacred gift, alay na banal. Ang papel kasi nila sa templo ay ang mag-alay ng sakripisyo para sa bayan ng Diyos. Sila ang tagapamagitan ng tipanan ng Diyos at ng bayang Israel. Sila ang Tagapagkasundo; nag-aalay sila ng sakripisyo upang i-reconcile ang mga nawalay sa Diyos dahil sa kasalanan, o dahil sa paglabag sa tipan.
Sa katagalan parang nawalan ng kahulugan ang pag-aalay nila ng mga handog sa Diyos. Maraming beses ngang binatikos ito ng mga propeta sa Matandang Tipan: halimbawa sa Isaias 1: 11-17, ganito ang pahayag ng Diyos ayon sa propeta:
“Ano ba ang halaga sa akin kung mag-alay man kayo ng maraming sakripisyo? Nasusuklam na ako sa pagkatay ninyo ng mga hayop; hindi ako natutuwa sa dugo ng mga baka, mga tupa at kambing. Kapag lumapit kayo sa akin para sumamba, sino ba ang nagsabi sa inyong hinihingi ko ang ganyang mga handog? Mas ikaliligaya ko pa kung itigil na lang ninyo ang paglapastangan sa dangal ng inyong kapwa.”
“Kahit itaas ninyo nang paulit-ulit ang mga kamay ninyo, ipipikit ko ang mga mata ko; kahit magdasal pa kayo nang magdasal, hindi ko kayo pakikinggan. Sapagkat ang mga kamay ninyo ay puno ng dugo. Maghugas muna kayo at maglinis ng kalooban, talikuran ang katiwalian, iwaksi ang kasamaan…at sa halip, gumawa ng kabutihan. Hangarin ang katarungan, ipagtanggol ang mga dukha at inaapi, damayan ninyo ang mga balo at ulila.”
Kahit sa Salmo 51:18-19, ganito rin ang sinasabi, “Hindi mo ikinatutuwa Panginoon ang aming mga sakripisyo, ang aming mga susunuging handog hindi mo ikinaliligayang tanggapin. Ang sakripisyong hinihingi mo ay isang kaloobang wagas na nagsisi, isang pusong dalisay at pakumbaba, ito O Diyos, ang hinahanap mo.”
Kaya pala parang naging negatibo na ang kahulugan ng pagkapari at pag-aalay ng sakripisyo sa Bagong Tipan, lalo na sa mga ebanghelyo. Hindi ba sa ikinuwentong parable ni Hesus tungkol sa manlalakbay na biniktima ng mga tulisan, ang ginawa niyang bida ay ang Samaritano, hindi iyung Pari at Levitang kapwa naglilingkod sa templo? Ang taga-alay ng sakripisyo ang ginawa niyang larawan ng kawalan ng malasakit. Kaya marahil sa bandang huli, mga paring Saduseo ang nakabangga ni Hesus at naging kaaway niyang mortal. Sila ang nangulit kay Pilato na ipako siya sa krus.
Parang inulit ni Hesus ang mensahe ng mga sinaunang propetang tulad nina Isaias at Jeremias: “kung inaakala ninyong sapat na ang mga sakripisyong sinusunog ninyo para pagtakpan ang inyong mga kasalanan, nagkakamali kayo.”
Sa buong New Testament, doon lang sa Letter to the Hebrews tayo makakatatagpo ng isang positibong pakahulugan tungkol sa pagkapari, at doon lang iniuugnay ito kay Kristo—hindi sa literal kundi sa matalinghagang paraan. Sabi ng awtor, nawalan daw ng saysay ang paghahandog-sakripisyo ng lumang pagkapari dahil kailangan itong ulit-ulitin, dahil paulit-ulit ding nagkakasala ang tao at hindi sapat na kabayaran ang dugo ng mga hayop na kanilang isinasakripisyo. Sa ginagawang pagkatay at pagpapadugo ng mga pari ng templo, hindi naman nasasaktan ang nagkasala o ang mismong paring nag-aalay. Isa lang daw talaga ang nasasaktan: ang hayop na isinasakripisyo.
Ito ang babaguhin ng pagkapari ni Kristo. Siya ang paring nag-aalay ng sakripisyo, pero ang iaalay niyang sakripisyo ay hindi hayop kundi sariling buhay niya, katawan at dugo niya. Sabi ng sulat sa mga Hebreo, siya lamang, at wala nang iba, ang tunay at natatanging pari. Hindi niya sasabihin sa makasalanan: ipag-aalay ko kayo ng tupa o kordero. Sa halip, ang sasabihin niya ay, ako ang paring taga-alay, ngunit ako rin ang korderong iaalay, wala akong ibang handog kundi sariling buhay ko. At ito ang pagkapari na ibig niyang ibahagi sa atin.