379 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon, 19 Enero 2023, Heb 7:25-8:6, Mk 3:7-12
Walang pangalan ang may-akda ng sulat sa ating Unang Pagbasa. Kilala lang natin siya bilang awtor ng “Liham sa mga Hebreo.” Nagtataka lang ako, kung para sa mga Hebreo ito bakit kaya isinulat niya sa salitang Griyego imbes na Hebreo? Para kang sumulat para sa mga Tagalog pero sa wikang Ingles.
May malakas na kutob ako na isang dating pari o saserdote ng templo ang awtor na ito, bago siya naging alagad ni Kristo. Palagay ko nagsulat siya noong nawasak ang templo matapos na lusubin ng mga Romans ang siyudad ng Jerusalem noong 70AD, dahil sa pag-aaklas ng mga Hudyo. Mararamdaman mo sa tono ng awtor na pari siya, gayundin sa bokabularyo at mga halimbawa niya.
May pakiramdam ako na bago pa nawasak ang templo, nagdanas na siya ng krisis sa kanyang pagkapari dahil tumalab sa kanya ang mga salita ni Hesus ng Nazareth. Palagay ko dati siyang kabilang sa mga paring sa una ay nakabangga ni Hesus, lalo na nang gumawa si Hesus ng eksena sa templo at pinagtataboy ang mga nangangalakal doon. Pinakinggan siguro niya nang husto ang mga turo ni Hesus at parang naguluhan siya. Dahil doon, parang nawalan ng kahulugan ang pagkapari para sa kanya.
Alam naman niya na hindi pari si Hesus. Hindi siya galing sa angkan ng mga saserdoteng katulad ni Zacarias. Sa totoo lang, ang mas may karapatan na tawaging pari ay si Juan Bautista.
Alam ng awtor ng Sulat na ito kung ano ang gawain ng pari. “Mediator” baga, o tagapamagitan. Parang tulay sa pagitan ng Diyos at tao. Responsibilidad ng pari ang mag-alay ng sakripisyo sa templo para ihingi ng tawad ang mga taong nagkasala dahil lumabag sa kautusan.
Kumbaga sa pagitan ng mag-asawang hindi magkabati, siya ang counselor na tutulong para mapanumbalik ang relasyon nila sa isa’t isa bilang mag-asawang nagsumpaan. Ang nagtaksil o nagkasala o lumabag sa kasunduan ang humihingi ng tulong sa pari upang mamagitan. Pero matapos niyang mapakinggan si Hesus siguro nasabi niya sa sarili niya, “Paano ako mamamagitan kung makasalanan din akong tao? Ano ang karapatan ko?”
Kaya pala ang mga saserdote sa templo ay naghahandog ng sakripisyo hindi lang para sa kasalanan ng bayan kundi para din sa sariling kasalanan. Kaya kailangan nilang ulit-ulitin ang paghahandog ng sakripisyo, dahil paulit-ulit din ang pagkakasala ng tao o paglabag sa kasunduan.
Dito nakita ng awtor ang pagkakaiba ni Kristo bilang Pari at Tagapamagitan. Hindi siya pari pero niyakap niya ang papel ng kaisa-isang paring pwedeng mamagitan upang makalapit ang tao sa Diyos at ang Diyos sa tao.
Ito ang narinig natin sa ating ebanghelyo. Dumagsa daw ang napakaraming taong pilit na lumalapit kay Hesus. Dahil naririnig nila ang Diyos sa kanya. Pakiramdam nila nahahaplos nila ang Diyos sa kanya at nahahaplos sila ng Diyos sa pamamagitan niya. Bakit? Kasi naliliwanagan sila, gumagaling sila; gumiginhawa ang pakiramdam nila, lumalaya sila sa masasamang espiritu.
Siya lang ang pwedeng pumapel na pari; siya lang ang pwedeng magsilbi bilang tulay. Ang sakripisyo niya ay minsanan—hindi dugo ng hayop kundi sariling dugo. Sa kanya nila nakita ang daan ng kaligtasan, ng mas mabisang pakikipagkasundo, daan ng kapatawaran. Ang daan o hagdan o tulay na ito ay walang iba kundi siya mismo.
Ito ang nagpabago sa paningin ng awtor na ito sa pagkapari. Tinubuan siya ng pag-asa dahil kay Kristo. Oo, makasalanan pa rin tayo; wala pa ring karapatan na mamagitan sa Diyos at sa kapwa-tao. Sa sariling ngalan natin talagang hindi pwede. Pero sa ngalan ni Hesus, pwede! Iyon ang good news!
Kaya pala sa lahat ng panalangin natin ang laging conclusion ay “Hinihiling namin ito sa Ngalan ni Hesukristong aming Panginoon na nabubuhay kasama mo at ng Espiritu Santo…” Sa kanyang pagkaDiyos puwede niyang iugnay ang Diyos sa tao. At sa kanyang pagkatao, pwede niyang iugnay ang tao sa Diyos. Di ba sinabi ni San Pablo sa sulat niya sa mga taga-Filipos: siya ang Diyos na nagpakumbaba at naging kawangis ng tao, nagpakababa hanggang kamatayan sa krus. Kaya daw itinaas siya ng Diyos at binigyan ng “pangalang higit sa lahat ng mga pangalan.” (Filipos 2:1-11)
Sa sariling ngalan natin, hindi natin kayang mamagitan. Pero sa ngalan ni Hesus, pwede. Kaya pala sinasabi ng manunulat: hindi man tayo pari, pwede tayong makipagkaisa sa pagkapari niya at mamagitan sa ngalan niya, basta nakaugnay tayo sa kanya na parang mga sanga ng iisang puno. Pero hiwalay sa kanya, wala tayong magagawa.
Ito ang dahilan kung bakit madalas kong sinasabi sa inyo na mali na ituring nating mababa ang ating pagkatao. Mataas ang dangal ng tao. Kalarawan tayo ng Diyos. At lalo pa nyang itinaas nang magkatawang-tao ang Diyos kay Kristo. Hindi na pagsunod lang sa batas ang magpapanumbalik sa ating dangal, kundi ang pagsunod kay Kristo bilang ating kaibigan at kapanalig. Pakikipagkaisang puso at diwa sa kanya, ang Anak ng Diyos na yumakap sa atin bilang kanyang mga kapatid upang matuto tayong tumawag sa kanyang Ama bilang ating Ama.