17,779 total views
Iginiit ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na dapat pag-aaralan ang mga proyektong ipatutupad na hindi makasisira sa kapaligiran.
Ito ang pahayag ng obispo hinggil sa mga proyektong makakaapekto sa kalikasan tulad ng tinututulang 153-hectare reclamation project sa Tagbilaran City.
“Any development project with the potential to inflict significant harm demands careful consideration,” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy.
Bagamat isinantabi ni Tagbilaran City Mayor Jane Yap ang panukalang P12-billion reclamation project ng Tagbilaran Waterfront Development Corporation (TWDC) ay tiniyak ni Bishop Uy ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga grupo at mamamayan upang ipaunawa ang malaking panganib na maidudulot ng reklamasyon.
Sinabi ng Obispo na mainam na higit maunawaan ng mamamayan ang proyekto at mga kaakibat na panganib sa hinaharap sa tulong ng mga eksperto upang magkaisang protektahan ang kalikasan at pamayanan.
“Consultation with local residents and the solicitation of expert opinions are indispensable. We must recognize the importance of these steps before moving forward with such projects,” ani Bishop Uy.
Ikinatuwa ni Bishop Uy ang pakikinig ng lokal na pamahalaan ng Tagbilaran sa hinaing ng mamamayan laban sa proyekto.
Katuwang ng simbahan sa pagtutol ang Tagbilaran Baywatch upang protektahan ang Tagbilaran Bay dahil dito nagmumula ang kabuhayan ng mamamayan.
Umaasa ang grupo na tuluyang isantabi ng Tagbilaran City Council ang mga resolusyong pabor sa panukala ng TWDC.
Matatandaang kilala ang obispo ng Tagbilaran sa pangangalaga ng kalikasan lalo na ang pagtatanim ng mga punongkahoy, pananatiling malinis ng mga anyong tubig gayundin ang malinis na hangin sa kapakinabangan ng mamamayan