1,666 total views
Nagpaabot ng panalangin ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) para sa nakatakdang 126th Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay CMSP Executive Secretary Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm. mahalagang ipanalangin ang paggabay ng Espiritu Santo para sa nakatakdang pagpupulong ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa.
Paliwanag ng Pari, mahalaga ang gabay ng Banal na Espiritu sa mga Obispo na nagsisilbing pastol sa kawan ng Panginoon upang ganap na mapagnilayan, matalakay at mapagdesisyunan ang mga usaping dapat na tutukan at bigyang pansin ng Simbahan.
“Being our shepherds they are having their retreat now in [Diocese of] Kalibo and soon they will start the 126th Plenary Assembly ng Bishops of the Philippines my message for all our elders, our bishops is that may the Holy Spirit guide them and enlighten them and inspire them as they do their plenary assembly which is a time to discern, to discuss, to come up with a decisions that will impact the Church especially we are in the walking together in the spirit of synodality.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Buenafe sa Radio Veritas.
Inaasahang kabilang sa tatalakayin sa gaganaping pagpupulong ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre ngayong taon.
Nakatakda ang 126th Plenary Assembly ng CBCP sa Marzon Hotel sa Kalibo, Aklan mula ika-8 hanggang ika-10 ng Hulyo, 2023 sa ilalim ng pangangasiwa at paghahanda ng Diyosesis ng Kalibo.
Sa kasalukuyan binubuo ang CBCP ng 88 active bishops, dalawang diocesan priest-administrators at 37 honorary members na pawang mga retiradong Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis.