222 total views
Nakadepende sa mga tagapagpatupad ng batas kung paano ito makakatulong o makakaapekto sa mas nakararami.
Ito ang ibinahagi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa nakatakdang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Mindanao.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi masosolusyunan ng anumang batas ang mga suliraning panlipunan sapagkat nakasalalay pa rin sa mga tagapagpatupad nito ang magiging epekto.
Dahil dito, binigyang diin ni Bishop Pabillo na hindi mareresolba ang problema sa kahirapan, kaguluhan at kawalan ng kapayapaan sa Mindanao kung walang puso para sa mahihirap at katutubo ang mga taong magpapatupad ng BOL.
“Alam niyo hindi naman maso-solve ang isang problema sa pamamagitan ng batas di-depende yan sa mga tao na magpapatupad. Kung yung mga tao ay talagang may puso sa mga mahihirap lalong lalo na sa mga katutubo ay maaring magkaroon ng bisa kasi ang problema ay ang kahirapan, ng injustice at sana yung batas ay makatulong dun pero magdidepende yan sa nag-i-implement ng batas…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito, iginiit ng Obispo na mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa upang tuluyang magkaroon ng bisa at kung tatanggapin ang Bangsamoro Organic Law sa rehiyon.
Naunang inihayag ng Legal Network for Truthful Election na dapat na malaman ng mga mamamayan na hindi lamang May 2019 Midterm Elections ang magaganap at kinakailangang bantayang halalan sa bansa ngayong taon kundi maging ang nakatakdang plebisito para sa bagong Bangsamoro Organic Law.
Sa inilabas na panuntunan o guidelines ng Commission on Elections (COMELEC), unang isasagawa ang plebisito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Cotabato City at Isabela City, Basilan sa ika-21 ng Enero habang ang iba namang mga teritoryo ay boboto naman sa ika-6 ng Pebrero.
Kapag nasang-ayunan ng karamihan ng nasasakop ng BARMM ang BOL sa darating na plebesito ay malilikha ang isang Bangsamoro Transition Authority upang pamunuan ang paglilipat ng kasalukuyang pamamahala sa ARMM tungo sa BARMM.
Ang unang regular na halalan para sa Pamahalaang Bangsamoro ay gaganapin sa taóng 2022.