417 total views
Mga Kapanalig, tagumpay para sa mga delivery riders ng kumpanyang Lazada ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa reklamo nilang illegal dismissal. Noong 2017 pa nagsampa ng reklamo ang limang riders ng Lazada sa National Labor Relations Commission o NLRC para sa bigla nilang pagkakatanggal sa kanilang mga karaniwang ruta at hindi na pagbibigay ng trabaho sa kanila.
Ayon sa NLRC, walang employee-employer relationship sa pagitan ng Lazada at ng mga riders. Para sa komisyon, independent contractors ang mga riders ng Lazada kaya hindi sila regular na empleyado ng kumpanya. Samakatuwid, hindi maituturing na iligal ang biglang pagpapalit sa kanila ng Lazada. Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyong ito.
Itinaas ng mga riders sa Korte Suprema ang kanilang kaso at pinanigan naman sila nito. Setyembre pa noong nakaraang taon ang desisyon, ngunit isinapubliko ito noong nakaraang lingo lamang. Ayon sa Korte Suprema, mayroong employee-employer relationship ang dalawang kampo. Una, direktang empleyado ng Lazada ang mga riders dahil may pinirmahan silang kontrata sa kumpanya mismo. Pangalawa, kinukubra ng riders ang kanilang sahod mula sa Lazada. Ikatlo, may kakayanang tanggalin ng Lazada sa trabaho ang mga riders. Panghuli, kontrolado ng Lazada ang trabaho ng riders sa pamamagitan ng pagsigurong mayroon silang route sheets kung saan makikita ang oras ng pagdating at pag-alis nila, maging ang pag-aabot mismo ng packages sa mga customers. Dagdag pa ng hukuman, maituturing na mahalagang serbisyo ang delivery sa operasyon ng Lazada; ibig sabihin, hindi maaaring mawala ang trabahong ginagawa ng riders sa kumpanya. Kaya para sa Korte Suprema, mali ang basta na lang tanggalin ng Lazada ang limang riders dahil dapat silang ituring na regular na empleyado ng kumpanya.
Ikinatuwa ng mga riders, labor groups, at ilang mambabatas ang naging desisyon ng Korte Suprema. Para kay Senadora Risa Hontiveros, indikasyon itong pinahahalagahan ng hukuman ang panlipunang katarungan at pinoprotektahan nito ang karapatan ng mga manggagawa. Hangad niyang masundan pa ito ng marami pang tagumpay para sa mga manggagawa. Ayon naman kay Sonny Matula ng Federation of Free Workers, maaaring magamit itong precedent ng iba pang riders na nasa parehong sitwasyon upang maging regular silang empleyado. Makasaysayan daw ang naging desisyon ng Korte Suprema at
malaking hakbang ito para gawing normal ang pagiging regular ng mga manggagawa. Gayunman, nagpaalala ang Employers Confederation of the Philippines na hindi raw maaaring gawing basehan ang desisyon ng Korte Suprema upang gawing regular ang lahat ng manggagawa. Nakadepende pa rin daw ito sa klase ng trabaho at sa kundisyon ng paggawa.
Naniniwala ang Simbahang ang tao ay ang tunay na basehan ng dignidad ng anumang trabaho Maliban sa pagiging instrumento upang magkaroon ang tao ng isang buhay na makatao, ang paghahanapbuhay ay paraan upang makapag-ambag ang bawat isa sa kaunlaran ng lipunang kanyang ginagalawan. Ang pagtatrabaho ay hindi dapat tingnan bilang isang kasangkapan lamang kundi isang paraan upang maitaguyod ang dignidad ng tao.
Maituturing na hakbang patungo sa pagpapahalaga sa dignidad ng pagtatrabaho at ng tao ang naging desiyon ng Korte Suprema sa kaso ng mga riders at Lazada. Gayunpaman, marami pang kailangang gawin upang masigurong nakakamit ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang mga Karapatan, katulad ng maayos na pasahod, malayang pag-oorganisa, at seguridad sa trabaho.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Genesis 2:15, inilagay ng Diyos ang tao rito sa mundo, “upang alagaan at ingatan [ito].” Sa pamamagitan ng pagtatrabaho, konkretong nagagampanan ng tao ang tungkuling alagaan at ingatan ang mundong ihinabilin sa atin ng Diyos. Umiral sana ang mga makatarungang patakaran katulad ng regularisasyon ng mga manggagawa nang maisakatuparan ng bawat isa ang misyong iniatas sa atin ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.