213 total views
Mga Kapanalig, pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapahaba sa maternity leave ng ating mga manggagawang ina. Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Bill, gagawing 100 araw ang dating 60 araw na maternity leave. Nakapagpasá na ang Senado ng katulad na panukalang batas noong Marso kung saan 120 araw ang mungkahi nilang itatagal ng maternity leave.
Maituturing na tagumpay ng mga manggagawang nanay ang nalalapit na pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave Bill, lalo pa’t ang Pilipinas (kasama ang Malaysia) ang may pinakamaikling maternity leave sa Timog Silangang Asya. Sa Vietnam, ang mga babaeng bagong panganak ay may hanggang 180 araw para makapag-leave sa trabaho; 112 araw naman sa Singapore, 105 na araw sa Brunei at Laos, at 90 na araw sa Indonesia, Cambodia, at Thailand. Mas mababa ang 60 araw na maternity leave sa Pilipinas sa minimum na 14 na linggo o 98 na araw na inirerekomenda ng International Labor Organization o ILO.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, ang may-akda ng panukalang batas sa Senado, mahigit dalawang dekada nang hinihintay na maisabatas ang karagdagang araw ng pahinga para sa mga bagong panganak na manggagawang ina sa pribado at pampublikong sektor. Ayon sa Philippine Legislators’ Committee on Population and Development o PLCPD, isang NGO na kinabibilangan ng mga mambabatas at isa sa mga pangunahing nagtutulak ng panukalang batas na ito, inabot ng dalawang taon mula sa unang pagdinig nito sa plenaryo ng Mababang Kapulungan bago ito pumasa sa ikatlo at huling pagbasa.
Lumalabas sa mga pag-aaral na ang karagdagang araw ng leave ay may positibong epekto sa kalusugan hindi lamang ng mga nanay kundi pati ng mga bagong silang na sanggol. Kung mas mahaba ang maternity leave ng mga nanay, mas makapagpapasuso sila sa kanilang mga sanggol. Ang mas mahabang maternity leave ay maganda rin sa pagbubuo ng ugnayan o bonding sa pagitan ng nanay at ng kanyang sanggol. Karagdagang oras rin ito ng pahinga para sa mga nanay, mas mahabang panahon upang ipahinga ang kanilang katawan bago muling sumabak sa trabaho.
Ngunit bago pa man tuluyang maisabatas, dadaan ang Expanded Maternity Leave Bill sa bicameral conference kung saan itatakda ng mga mambabatas kung magiging 100 o 120 araw ang haba ng bagong maternity leave. Mahalagang tutukan ang bicameral conference dahil dito tatalakayin ang agam-agam ng ilang taga-pribadong sektor. Nangangamba kasi ang ilan sa kanila kung kakayanin nilang ibigay ang bayad para sa manggagawang inang nasa mas mahabang leave. Nakalulungkot na pabigat ang turing ng ilang sektor sa pagbibigay ng nararapat na pahinga sa mga manggagawa nilang nanganak. Baka gamitin pa itong dahilan ng ilang negosyante upang hindi kumuha ng babaeng trabahador.
Hindi matatawaran ang sakripisyo at paghihirap ng mga nanay sa kanilang pagdadalang-tao at panganganak upang magbigay ng bagong buhay. Sabi nga ni Pope Francis sa Amoris Laetitia, ang pagsalubong sa bagong sanggol ay pagsalubong rin sa biyaya ng Panginoon sa isang mag-anak. Sinasabi ring nararamdaman ng sanggol ang pag-ibig ng Panginoon sa pagdaloy ng pag-ibig ng kanyang nanay at tatay. Kinikilala ng ating Santa Iglesia ang natatanging papel ng nanay sa pag-aaruga sa kanyang anak. Hindi nga ba’t ang galak ng Panginoon sa pagdadalantao ng ilang nanay sa Bibliya ay inihahayag pa ng mga anghel?
Mga Kapanalig, sang-ayon sa pagbibigay-halaga ng ating Simbahan sa pamilya at buhay ang pagbibigay ng karagdagang oras sa mga nanay upang magpahinga at maalagaan ang mga bagong silang nilang anak. Panahon nang maisabatas ang Expanded Maternity Leave Act.
Sumainyo ang katotohanan.