281 total views
Itinuturing ng mga Obispo na magandang development ang pagbibigay prayoridad ng Duterte administration sa usaping pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, magandang development ito na nabigyan ng panahon ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front na kumakatawan sa CPP-NPA.
Umaasa ang Obispo na makabuo ng konkretong plano at programa ang magkabilang panig upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Inihayag ni Bishop Mallari na isang magandang simulain ang pakikipagdayalogo, pag-upo sa negotiating table at pakikinig sa bawat isa ng GRP panel at NDF negotiators.
Nanawagan naman si Malaybalay Bishop Jose Cabantan sa taumbayan na ipanalangin na magkaroon ng magandang bunga ang peace talks ng bagong administrasyon at CPP-NPA-NDF.
Iginiit ni Bishop Cabantan na ang tunay na susi ng kapayapaan ay mapayapang paraan ng pag-uusap sa pagkakamit nito at hindi sa pamamagitan ng karahasan.
Kaya hiling ng Obispo sa sambayanang Filipino na ipanalangin ang gagawing peace talks sa Oslo Norway.
Nabatid mula sa datos ng Internally Displacement Monitoring Center, umaabot na sa 119-libo ang internally displaced person sa Mindanao dahil sa kaguluhan.