179 total views
Inabot ng siyam na taon bago tuluyang maibigay ng isang urban poor community worker ang estola o stole na kanyang ginawa para kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa harap ng mahigit sa 6-libong delegado ng 4th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE4), kinilala ni Cardinal Tagle si Cynthia Cabrera, ang “Rugs to Riches Community Enterprise Manager” na siyang lumikha ng estola mula sa retaso.
Ayon kay Cabrera, taong 2009 noong matapos niyang gawin ang nasabing estola subalit hindi niya alam kung paano ito maipapabot sa Cardinal kaya’t lubos ang kanyang kagalakan nang personal itong tanggapin ng Kanyang Kabunyian sa huling araw ng PCNE4.
“Ang challenge na hinarap ko ay kung papaano makarating kay Cardinal ‘yung estola na ginawa ko para sa kanya. Noong una po, parang nawalan ako ng pag-asa dahil hindi ko alam kung paano makarating. Pero kanina ‘nung iabot ko sa kaniya para pong nasa langit ako. Sabi ko, ito na ‘yung biggest achievement sa buhay ko,” kuwento ni Cabrera.
Inihayag pa ni Cabrera na si Cardinal Tagle mismo ang humamon sa kanya na gawin ang estola mula sa recycled materials, ang parehong Cardinal na nagturo sa kanya kung paano magtiwala sa sarili.
“Pagtitiwala sa sarili, ‘yun ang unang una kong natutunan sa kanya ‘nung mga narinig ko ang mga mensahe niya during nagma-mass at saka ‘yung mga aral na ibinibigay niya. Magaling po siyang tao. Magaling po siyang magbigay ng homilya,” pagbabahagi ni Cabrera.
Una nang inihayag ni Cardinal Tagle na ang retaso ay kawangis ng tinapay na pinagpira-piraso at ipinagkaloob ni Hesus sa kanyang mga alagad bilang simbolo ng pagpahintulot ng pananahan ni Hesus sa ating mga buhay.