261 total views
Mga Kapanalig, maligayang Pasko sa inyong lahat! Kumusta ang inyong Pasko?
Kung kayo ay nakapagdiwang kasama ng inyong pamilya sa inyong sariling tahanan, ituring ninyo ang inyong sarili na mapalad, hindi katulad ng mga kababayan nating pinalipas ang Pasko sa lansangan o ilalim ng tulay o kung saan mang sulok na maaari nilang masilungan habang tinitiis ang malamig na simoy ng hanging amihan.
Para silang sina Jose at Maria na naghahanap ng lugar kung saan maaaring isilang si Hesus nang sumapit ang oras ng panganganak ng ating Mahal na Ina. Gaya ng mababasa natin sa Lucas 21:7, “Isinilang [ni Maria] ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.”
Walang malinaw na bilang ang ating gobyerno kung ilang pamilya ang maituturing na homeless o walang tirahan. Pero nakikita natin sila sa mga abaláng lansangan lalo na rito sa Metro Manila—namamalimos, naglalako ng mga paninda, naglilinis ng mga sasakyan, nangangalakal ng basura, at gumagawa ng iba pang bagay upang may maipambili ng pagkain at mairaos ang kanilang araw. At ngayong Kapaskuhan, kapansin-pansin ang mga kababayan nating sa lansangan nakatira—naghihintay sa awa natin, nag-aabang ng anumang tulong na ating maibabahagi ngayong panahon ng pagbibigayan. At siguradong may ilan sa ating hindi na lang sila pinapansin.
Delikado ang pananatili sa mga lansangan. Sa pagtulog sa bangketa at pag-iikot sa mga kalsada, nalalantad sila sa iba’t ibang sakit, panganib ng aksidente, at pang-aabuso. Lalo itong mahirap para sa mga bata, matatandang maysakit, at babae. Ang masaklap pa, dahil itinuturing na iligal ang kanilang pagtira sa lansangan, madalas silang hinuhuli—o nire-rescue, ayon sa gobyerno—at kinukumpiska pa ang kakaunti nilang ari-arian katulad ng mga kariton at maging mga alagang hayop. Pinalalayas sila sa kanilang kinalalagyan dahil masakit sila sa paningin ng publiko. Kahit dalhin sila sa mga “rescue” centers ng gobyerno, pinapayagan din naman silang umalis pagkatapos ng ilang araw at babalik silang muli sa kalsada kung saan maaari na naman silang hulihin.
Ang mga kababayan nating nakatira sa lansangan ay ang masasabi nating pinakanangangailangan ng disente, ligtas, at sapat na tirahan. Ang pagkakaroon ng tirahan ay isang pangunahing karapatan ng sinuman. Mahalaga ito upang makamit ang buhay na makatao at may dignidad. Sabi nga sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ang “subhuman living conditions”, katulad ng kalagayan ng mga kababayan nating nasa mga lansangan, ay isang pagkakasalang labag sa dignidad ng tao.
Kaya naman, nang ilunsad ng Department of Human Settlement and Urban Development ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (o 5Ps) na layong maging “zero ISFs (o informal settler families) ang Pilipinas pagsapit ng 2028, marami ang nasabik, lalo na sa mga kababayan nating matagal nang nag-aasam ng sariling bahay. Ngunit ang mga proyektong ipinakikita sa mga balita ay mga matataaas na gusali, mga mala-condominium na pabahay. At hindi libre ang mga ito; babayaran ito ng mga benepisyaryo sa loob ng maraming taon nang may subsidiya mula sa gobyerno.
Kakayanin kaya ito ng mga kababayan nating walang-wala kaya napilitang tumira sa lansangan? Sana naman ay makaisip ang ating pamahalaan ng pabahay na akma sa kanilang kakayanan at pangangailangan. Kung babalikan natin ang nakasulat sa ating Konstitusyon, inaatasan ang Estadong tiyaking may disente at abot-kayang pabahay para sa mga tinatawag na “underprivileged and homeless citizens.” Huwag sanang kalimutan ng gobyerno ang mga kapatid nating higit na nangangailangan ng masisilungan, at sa kanilang kalagayan sa buhay, serbisyo dapat—hindi negosyo—ang pabahay.
Mga Kapanalig, katulad nina Jose at Maria, kumakatok ang mga kababayan nating walang tirahan. Naghahanap sila ng ligtas at disenteng matutuluyan.
Sumainyo ang katotohanan.